‘Movement’ para sa mga matuwid na kandidato, inilunsad

Posted by watchmen
August 20, 2021
Posted in OPINION

“May mga tao pa ba na pinananahanan ng Espiritu ng Diyos…” – Genesis 41:38, Ang Tanging Daan Bibliya

NAGKAKAISANG BOTO NG MGA KASAPI NG MGA GRUPO NG MGA MANANAMAPALATAYA PARA SA HALALAN 2022, ISINUSULONG: Magsusulong ng iisang boto lamang ang limang grupo ng mga mananampalataya sa Halalan 2022, upang tiyakin na ang mga kandidatong matuwid at inaasahang magiging mahusay ang pamamahala sa bansa, at sa mga pamahalaang lokal kung saan sila mananalo, ang iboboto ng kanilang mga kasapi.  

Sa isang pulong noong umaga ng Miyerkules, Agosto 18, 2021, sinabi ng grupong nagpapatawag muna sa pangalang “Movement for a Righteous Election,” na ang kanilang pagkakaisa sa pagpili ng mga iboboto na ibababa naman nila sa kanilang mga miyembro, ay isang pagsusumikap na mailuklok ang mga kandidatong may kakayahang mamuno, may pagmamahal sa Diyos, at galit sa tiwaling pera.

Nais din ng “Movement for a Righteous Election” na patatagin ang kanilang mga kasapi, at pati na ng mga Pilipinong sawa na sa mga katiwalian sa halalan, na labanan ang vote buying, at iba pang mga pandaraya sa eleksiyon.

Kabilang sa limang kasapi ng “Movement for a Righteous Election” sina dating Congressman Willie Buyson Villarama, na kumakatawan sa grupo ng El Shadai ni Brother Mike Velarde; Bishop Juan Pring ng Pampanga, na kumakatawan naman sa mga mangangaral ng Bibliya sa Pilipinas; Pastor Jojo Gonzales ng Capitol Christian Leadership, at ang grupong “One Vote Our Hope Movement.”

***

“MOVEMENT FOR A RIGHTEOUS ELECTION,” ITINATAG UPANG HARANGAN ANG MGA KATIWALIAN SA MGA HALALAN SA PILIPINAS: Kasama din sina Atty. Noy Aacatangay, Director ng “One Vote Our Hope Movement” at president/chief executive officer ng Buklod Pamilya, Inc; at ang inyong lingkod, Atty. Batas Mauricio, ang kumakatawan ng Simbahang AND KNK (o, Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo).

Ayon sa kanilang lima, maliwanag na ang kasalukuyang sistema ng eleksiyon, o paghahalal ng mga mamumuno sa bayan, ay nagbibigay-pagkakataon sa mga tiwali at sa mga mayayaman at sa mga dati ng makapangyarihan lamang.

Sa ngayon, sinabi ng “Movement for a Righteous Election” na walang pag-asa ang mga mahuhusay na Pilipino upang mapiling mamuno sa kanilang mga lokalidad, at maging sa buong bansa, dahil sa kawalan nila, di na lamang ng perang magagastos sa halalan, kundi ng suporta ng mga negosyante o iba pang mga tao na may kakayahang pinansiyal, o may impluwensiya sa kanilang mga bayan o samahan o mga pamilya.

Kaya naman kahit na may talino ang isang Pilipino, o ‘di kaya ay napatunayan ng maka-Diyos at makabayan sa kaniyang mga pagkilos, pagsasalita, at pag-iisip, kadalasan ay hindi sila  nangangahas lumahok sa eleksiyon. Ito ay dahil alam nilang wala naman silang pambili ng boto, o ‘di kaya ay suporta ng mga armadong grupo. Sa ganitong mga pangyayari, tanging ang mga tiwali at mga tradisyunal na politiko, o mga trapo, ang lumalahok sa halalan, at siya na nga namang laging nananalo.

Ipinagdiinan din ng “Movement for a Righteous Election” na dumating na ang panahon upang ang mga mananampalataya, anuman ang kanilang relihiyon o grupong sinasamahan, ay kumilos, at tiyakin na ang mga matitino, mga may kakayahan, at mga pinananahanan lamang ng Espiritu ng Diyos, ang kanilang iboboto at isusulong sa mga eleksiyon.

***

MGA TAONG MATUWID ANG DAPAT IHALAL AT ILUKLOK SA PUWESTO PAGDATING NG HALALAN 2022, GIIT NG MGA MANANAMPALATAYA: Inaamin ng grupo na maaaring sa umpisa ay mahirap para makita ang epekto ng pagkilos upang ang mga matuwid na kandidato lamang ang iboboto ng mga matuwid na botante. Pero, dagdag ng mga kasapi ng grupo, dumadami na ngayon ang mga Pilipinong nagsasawa na sa sistemang korap at tiwali sa pamahalaan. Marami na ang nasusuka sa mga katiwaliang ipinangako noong 2016 na mapapalitan at maaalis na sa kasalukuyan, ayon pa sa “Movement for a Righteous Election.”

Ang kailangan na lamang ay masindihan ang baga ng pagbabago tungo sa matuwid na isip, salita, gawa, at itsura, upang maglagablab ang apoy na magsisilbing tanglaw sa bayang ginabayan at inaakay ng Diyos.

Kasabay nito, nananawagan ang “Movement for a Righteous Election” sa iba’t ibang mga grupo ng mga mananampalataya, anuman ang kanilang pinaniniwalaan sa Diyos, na makibahagi, kundiman sa movement na ito, o ‘di kaya ay sa kanilang sariling mga grupo, upang itampok ang paghahalal ng mga kandidato ayon sa mga matuwid na batayan.

Sa ngayon, tiyak ng “Movement for a Righteous Election” na ang mga grupo ng mga mananampalataya, Muslim man sila o Kristiyano, ay may mga aral sa pagpili ng mga pinunong mamamahala, di na lamang sa kanilang mga sariling simbahan, kundi pati na sa buong bayan.

Kailangang ang mga mananampalataya ng Diyos naman ang mamumuno sa bayan, dahil ito ang magiging tuntungan ng tunay na kaunlaran at kasaganaan. Idinagdag pa ng “Movement for a Righteous Election” na wala sa pulitiko ang pag-asa ng pagbabago sa ating bansa, dahil marami na sa kanila ang hindi inasikaso ang pangako nilang pagbabago matapos silang mahalal.

***

MGA PULITIKO, ‘DI DAPAT ASAHAN, DAHIL ANG DIYOS LANG ANG MAKAKATULONG SA BAYAN: At, sa totoo lang, pagdidiin ng Movement for a Righteous Election, wala sa tao o sa sinumang pulitiko ang magpapa-unlad ng Pilipinas o ng mundo. Tanging ang Diyos lamang ang may kakayahang lumutas o tumapos sa mga problema ng tao, batay sa kaniyang pag-ibig sa kaniyang mga nilikha.

Kaya nagkakawindang-windang ang mga tao at ang mga bayan ay sa dahilang inaakala ng kanilang mga lider, mga pinuno, at mga pulitiko, na sila ang makakalutas ng mga suliranin ng bayan. Hindi totoo ito, dahil kadalasan, ‘pag nasa kapangyarihan na ang mga pulitiko, isinasantabi nila ang mga pangakong binitawan nila noong nangangampanya pa lamang sila, at ang kanilang pan-sarili, o pam-pamilya, o pang kaalyadong interest lamang ang kanilang isinusulong.

Ang mga interesado sa pagkilos na ito ay hinihilingang makipag-ugnayan sa grupo, sa pamamagitan ng mga telepono at mga social media platforms na nakasulat sa ibaba nito. Walang itatangi sa sinumang nagnanais makibahagi sa laban para sa isang maka-Diyos at makabayang halalan.

***

REAKSIYON? Tawag na: 0947 553 4855. Email: batasmauricio@yahoo.com. MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network./WDJ

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *