“Aking tinawag ang aking ibong mandaragit, ang aking lider mula sa silangan, at aking ibabangon ang aking sambayanan mula sa malayong lupain, upang ganapin ang aking layunin…” – Isaias 46:11, New Living Translation ng Bibliya.

- SENATOR, ALAM MO BA KUNG ANO ANG SEDISYON? Isa sa mga balitang tinalakay sa Kakampi Mo Ang Batas, ang long-running radio-online-cable TV show tungkol sa mga problemang legal ng mga Pilipinong walang maibabayad sa abogado, ang panawagan ng isang senador na kasuhan ng sedisyon ang mga nagpapanukala ng RevGov, o pamahalaang rebolusyonaryo.
Ayaw ko na sanang patulan, dahil maliwanag namang hindi abogado, at hindi nalalaman ng mambabatas kung ano ang ibig sabihin ng sedisyon sa ilalim ng Revised Penal Code, pero gusto ko lang liwanagin kung ano ang RevGov na sinasabi kong dapat ipalit sa bulok na Saligang Batas ng 1987.
***
186 REVGOV NI CORY AQUINO: PADRON NG REVGOV NGAYON: Ang RevGov na ipinapanukala ko ay gaya ng ginawa ni Cory Aquino noong 1986, matapos agawin ng kaniyang mga kapanalig sa tulong ng US ang lehitimong gobyernong Pilipino mula kay Pangulong Marcos. Nakaluklok noon si Cory batay sa mga proseso ng 1973 Constitution, pero gumawa siya ng kaniyang Provisional Constitution, at pinatalsik ang 1973 Constitution.
Nagawa niya ito dahil kinatigan siya ng pulisya, militar, ng sambayanan, at, pinakamahalaga, ng Estados Unidos. Maganda sana ang mga layunin ng RevGov ni Cory, pero, nabalaho ito ng mga tiwali, sa loob at labas ng kaniyang pamumuno. Wala namang masama sa RevGov, kung kakatigan ng lahat. Ang problema lang, siyempre, ay kung wala itong suporta.
***
AND KNK: MAY KARAPATANG MAGTATAG NG LAHAT NG MEDIA, AT LAHAT NG EDUCATIONAL INSTITUTIONS, SA PILIPINAS AT SA BUONG MUNDO: SSDSNNJ Amen. Batay sa Articles of Incorporation ng Simbahang Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo (AND KNK), may karapatan ito na magtatag, mag-may-ari, magpatakbo, at mamahala, ng lahat ng uri ng media, at ng lahat ng antas ng institusyong-edukasyonal, sa Pilipinas at sa buong mundo.
Napakalawak na karapatan, pero ang lahat ng ito ay gagamitin lamang sa ikapagtatagumpay ng mga gawaing ipinagkatiwala ni Jesus sa Simbahan, ang gawain ng pagpapahayag at pagliligtas ng kaluluwa, batay sa katotohanang Siya, si Jesus, ang Diyos at Tagapagligtas, Ama, Anak, at Espiritu Santo.
Ayon pa sa Articles of Incorporation ng AND KNK, may apat na itinalagang layunin ang Simbahan, na gagampanan ng mga kasapi nito sa buong mundo na ang tawag ay mga Kadugo. Una, pagsamba, papuri, at pagpapasalamat.
Pangalawa, masigasig na paghahayo, pagpapalawak, at pagpapalakas ng pananampalatayang si Jesus ang Diyos at Tagapagligtas, Ama, Anak, at Espiritu Santo, batay sa mga patotoong nakasulat sa Bibliya, at sa mga turo ng AND KNK na nakasulat sa kaniyang Mga Batayang Aral (MBA).
***
MGA GAWAING IPINAGKATIWALA NG DIYOS SA AND KNK: PAGPAPAHAYAG AT PAGLILIGTAS: Pangatlo, pagtatalaga at pagbibigay-karapatan sa mga Kadugo na maging mga mangangaral na may antas bilang Pastor o Pastora, na iisa lang ang ipinapahayag—ang doktrina ng Simbahang AND KNK, na si Jesus ang Diyos at Tagapagligtas, Ama, Anak, at Espiritu Santo. May tungkulin din ang mga Kadugo, mangangaral man o hindi, na ituro ang pagsunod sa lahat ng itinuro ni Jesus, sa pamamagitan ng lahat ng ibat ibang paghahayo, personal man o sa mass media.
Kasama sa mga tungkuling ito ng pagpapahayag ang pagpapa-unawa sa sangkatauhan ng labis at hindi kumukupas na pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, ayon sa pagpapahayag ng Simbahan na “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya’t Siya mismo ang bumaba mula sa langit, tumungo sa lupa sa anyo ng tao na may laman at dugo at taglay ang Pangalang Jesus.
“Nagtungo ang Diyos sa Kaniyang anyong si Jesus sa lupa upang tanggapin, at Kaniya na ngang tinanggap, ang mga parusang nakalaan para sa kasalanan ng tao, upang ang mga tao o ang mga makasalanang tatanggap at sasampalataya sa Kaniya ng may unawa ay hindi mapapahamak, kundi mabibigyan pa ng karapatang maging mga Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo, at tatanggap ng tatlong antas ng kaligtasan mula sa Diyos.
***
MEDIA AT SCHOOL OWNERSHIP, IBINIGAY SA AND KNK: Ang media na tinutukoy sa Articles of Incorporation na maaaring itatag at maging pagmamay-ari, at pamamahalaan, ng Simbahang AND KNK ay lahat ng uri ng media—radyo, telebisyon, diyaryo, magasin, at online (o sa Internet).
Uulitin ko lamang po, ang karapatang ito sa media ay magagamit ng AND KNK sa buong mundo, sapagkat nais ng Diyos na sa buong mundo maghayag ang mga Kadugo. At maliban sa lahat ng ito, gaya na nga ng nabanggit na natin, may karapatan din ang AND KNK na magtatag, mag-may-ari, magpatakbo, at mamahala, ng mga paaralan sa lahat ng antas—pre-school, elementarya, high school, college, at post graduate institutions.
Sa kasalukuyan, nakikita na natin na binubuksan na ng Diyos, sa Kaniyang kagandahang-loob, ang mga daan upang maisakatuparan ng AND KNK ang lahat ng Kaniyang mga balakin, sa ikapagtatagumpay ng mga gawain, at katuparan ng layunin ng pagliligtas ng Diyos sa huling kapanahunan. Marami pa pong kadugtong ito sa mga susunod na araw, God willing. Salamat Sa Diyos Sa Ngalan Niyang Jesus, Amen./WDJ