
INSPIRASYON SA BUHAY: “… Ngunit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa Kaniya ay binigyan Niya ng karapatang maging anak ng Diyos…” (Juan 1:12, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
MALIBAN SA QUARANTINE SA METRO MANILA, MAY IBA PA BANG PLANO VS. COVID-19? Mayroon bang makakapagsabi kung ano ang biyayang ibibigay ng “community quarantine” na ipinatutupad na sa Metro Manila? Mapapatay na ba ang Covid-19 pag bawal na ang pagpasok o paglabas sa National Capital Region? Kung sakaling walang lilitaw na apektado ng Covid-19 sa kalunsuran pag natapos na ang community quarantine, ibig bang sabihin eh ligtas na din ang buong bansa sa nakamamatay na virus?
Ano ang susunod na mangyayari kung mayroon ngang lilitaw na infected ng coronavirus sa Metro Manila habang ipinatutupad ang community quarantine? Maliban sa pagbabawal sa pagpasok at paglabas sa NCR sa lahat ng mga nakatira doon, mayroon pa bang ibang plano kung papaano gagamutin ang mga apektado at kung papaano bibigyang-proteksiyon yung mga di pa tinatamaan? At papaano naman ang supply ng pagkain at inumin, pati na ng iba pang pangangailangan ng mga mamamayan doon?
At ngayong may mga balita na marami na din ang tinatamaan ng virus sa ibang mga bayan, lunsod, at lalawigan sa bansa, may mga plano na ba ang gobyerno kung ano naman ang gagawin sa kanila maliban sa quarantine? Kaya ba ng gobyerno na tugunan ang mga batayang pangangailangan ng mga tatamaan ng quarantine o may nakahanda na bang mga pagkilos para sa ibang mga tao? Mayroon na bang mga sagot ang gobyerno sa mga tanong at concerns na ito?
***
EPEKTIBONG PARAAN NG PAGLABAN SA COVID-19: Alam nating walang gamot sa ngayon ang Covid-19. At alam din natin na wala ding nakakatiyak na hindi sila tatamaan ng nasabing sakit. Kung tutuusing mabuti, maliwanag na walang ibang magagawa ang tao sa buong mundo upang labanan ang sakit na ito, maliban na lamang ang totohanang paglapit sa Diyos. Uulitin ko minsan pa: tanging ang Diyos lamang ang siya nating kaligtasan.
Ang tanong na dapat nating sagutin, kung ganoon, ay ito: paano ba ang tunay na paglapit sa Diyos? Paano ba ang epektibong paraan ng paghiling ng tulong sa Diyos? Paano ba matitiyak ng tao na paborableng tutugunan ng Diyos ang kaniyang paghiling? Na ibibigay ng Diyos ang isinasamo niya?
Sa totoo lang, wala naman pong malalim na sikreto ang matagumpay na paghiling sa Diyos. Nakasulat na po, libong taon na ang nakakalipas, kung papaano matitiyak ng tao na ibibigay ng Diyos ang lahat ng kaniyang hinihingi. Kung hindi po alam ng tao ito, wala ng ibang sisisihin kundi siya lamang. Ang ibig ipakahulugan ng kawalan ng kaalaman ng tao sa sikreto ng matagumpay na paghiling ay ang kaniyang kawalan ng panahon sa Bibliya bilang Salita ng Diyos.
***
SIKRETO NG PANALANGING TINUTUGON: Naririto po ang unang katuruan kung paano ang matagumpay na paghiling o paghingi sa Diyos, sa aral ng Simbahang Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo (AND KNK). Sabi ni Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas na Siyang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo, hindi lahat ng humihingi sa Kaniya ay Kaniyang tutugunin. Yun lamang mga gumaganap sa kalooban ng Diyos ang tutugunin sa kanilang mga kahilingan.
Ito po ay hango sa Mateo 7:21 ng Bibliya. Sa madaling salita, kailangang alamin natin ang kalooban ng Diyos, at gampanan natin ang mga kalooban Niyang ito. Doon pa lamang ibibigay ng Diyos sa atin ang ating mga samo at hiling. Paano naman natin aalamin ang kalooban ng Diyos upang sa ganoon ay matupad natin ang mga ito at makatiyak tayo na ang ating mga kahilingan ay pagbibigyan ng Diyos?
Sa pamamagitan ng pagkilalang ang Bibliya ang tanging aklat na naglalaman ng mga kalooban ng Diyos. Ang Bibliya, kumbaga, ang Salita ng Diyos. Kailangan nating basahin ang Bibliya, upang malaman natin ang Salita ng Diyos at ang Kaniyang kalooban. Pagkatapos nating magbasa at maunawaan kung ano ang kalooban ng Diyos, kailangan nating gampanan ang mga nabasa at naunawaan natin. Yun ang sikreto ng matagumpay na paghiling, lalo na ng proteksiyon mula sa Covid-19.
***
PANALANGIN NG PAGTANGGAP KAY JESUS BILANG DIYOS AT TAGAPAGLIGTAS, AMA, ANAK, AT ESPIRITU SANTO: Panalangin upang makilala natin ang kalooban ng Diyos: “Panginoong Jesus, tinatanggap at pinananampalatyaan kita na ikaw ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo na bumaba mula sa langit at tumungo sa lupa sa anyo ng tao, upang ibigay sa akin ang kaligtasan mula sa aking mga kasalanan. Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, at isulat mo ang aking pangalan sa iyong Aklat ng Buhay. Isinusuko ko sa iyo ang lahat sa aking buhay, ang aking isip, salita, gawa, at hitsura, sa lahat ng pagkakataon. Amen.”
***
TUMAWAG PO KAYO SA AMIN: Kung gusto ninyo ng mas matinding talakayan kung ang iba pang paraan ng kaligtasan ng tao ayon sa pananaw ng Simbahang Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo (AND KNK), tumawag po kayo sa amin sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 825 1308 o sa aking Messenger account sa Facebook, “Melanio Lazo Mauricio Jr.” Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong magbasa ng aming website sa AND KNK, ang andknk.ph o www.facebook.com/attybatas./WDJ