Mga pangako ng Diyos ang dapat sandalan sa Covid-19

Posted by watchmen
March 13, 2020
Posted in OPINION

INSPIRASYON SA BUHAY: “… Siyang naghahangad ng pagkupkop ng Kataas-taasan, at nananatili sa pagkalinga ng Makapangyarihan, ay makakapagsabi kay Yahweh: ‘Muog ka’t kanlungan, ikaw ang aking Diyos, ang Diyos na tangi kong pinagtiwalaan.’ Sa panganib at bitag ika’y kanyang ililigtas, at kahit ano mang matinding salot ay ‘di ka magdaranas…” (Mga Awit 91:1-3, Ang Tanging Daan Bibliya).

 

***

SA PANANALASA NG COVID-19, SUMANDAL TAYO SA MGA PANGAKO NG DIYOS: Sa harap ng dumadaming tinatamaan ng Covid-19 dito sa Pilipinas, marapat laging paalalahanan ng mga Pilipino ang kanilang mga sarili na sila ay mga tao na nananampalataya sa Diyos, at dahil diyan, makakaasa sila na tutuparin sa kanila ng Diyos ang Kaniyang mga pangako ng pag-iingat at pagkalinga sa lahat ng sandali.

Sa Awit 91 ng Bibliya, ganito ang mga pangako ng Diyos: “Siyang naghahangad ng pagkupkop ng Kataas-taasan, at nananatili sa pagkalinga ng Makapangyarihan, ay makakapagsabi kay Yahweh: ‘Muog ka’t kanlungan, ikaw ang aking Diyos, ang Diyos na tangi kong pinagtiwalaan.’ Sa panganib at bitag ika’y kanyang ililigtas, at kahit ano mang matinding salot ay ‘di ka magdaranas.

“Lulukuban ka niya sa lilim ng kanyang malapad na pakpak, at sa kalinga niya ay palagi ka ngang nakakatiyak; iingatan niya’t ipagsasanggalang, pagkat siya’y matapat. Pagsapit ng gabi, ‘di ka matatakot sa anumang bagay, maging sa gagawing biglaang paglusob ng mga kaaway. Ni sa ano pa mang darating na salot pagkagat ng dilim, sa pagpuksa’y wala kang takot, sa araw man dumating.

“Kahit na mabuwal sa iyong harapan ang sanlibong tao, sa iyong paligid ang bilang ng patay maging sampung libo; di ka matatakot, at natitiyak mong di ka maaano. Ika’y magmamasid at sa panonood, mapapatunayan, iyong makikita, taong masasama’y pinaparusahan. Sapagkat si Yahweh ang iyong ginawang tagapagsanggalang, at ang pinili mong mag-iingat sa iyo’y ang Kataas-taasan.

“‘Di mo aabuting ika’y mapahamak; di mararanasan kahit anong uri ng mga paghihirap sa iyong tahanan. Sa kanyang mga anghel, ika’y itatagubilin, saan mang dako maparoon, tiyak kang iingatan. Sa kanilang mga kamay, ika’y aalalayan, nang sa mga bato, paa mo’y hindi masasaktan. Iyong tatapakan kahit mga ahas o leong mabagsik, ‘di ka maaano sa mga serpiyente’t leong mababangis.

“Ang sabi ng Diyos, ‘Ililigtas ko ang mga tapat sa akin, at iingatan ko ang sinumang taong ako’y kikilanlin. Kapag sila’y tumawag, laging handa ako na sila’y pakinggan, aking sasamahan at kung may problema ay sasaklolohan; aking ililigtas at ang bawat isa ay pararangalan. Sila’y bibigyan ko’t gagantimpalaan ng mahabang buhay, at nakakatiyak, tatamuhin nila aking kaligtasan!’…”

 

***

DEAR ATTY. BATAS: “Atty. Batas, good morning po. Ano po kaya puwede ikaso sa isang taong sinusulsulan niyang manlalake ang asawa ko? Di kami kasal ng asawa ko subalit may isa kaming anak, 2 years old palang. Gusto niya pong masira ang pamilya ko. Hingi lng po sana ako ng payo sa iyo Atty. Batas. Kawawa po kasi anak namin kapag nasilaw ang asawa ko sa kakaturo nya. Hira Jay.”

Hira Jay, salamat sa tanong na ito na ipindala mo sa aking Facebook page na “Atty. Batas Mauricio”. Ang payo po sa inyo ng BATAS (Buklod ng mga Abogadong Tagapagtaguyod ng Adhikaing Sambauanan) at LIGHT (Lawyers Instructed on Godliness, Humility, and Truth), puwedeng demandahin yung nagsusulsol sa asawa niyo na manlalake na siya kahit nagsasama pa kayo ng kasong kriminal. Ang pinakamababang kaso dito ay yung unjust vexation, o pagbibigay ng di makatwirang pagkainis sa isang tao.

Sa kabilang dako, mas makakabuting kausapin niyo ng masinsinan ang asawa niyo, at alamin niyo kung bakit nakikipag-usap siya sa tao na nagsusulsol sa kaniya na manlalake ang asawa niyo. Ipaliwanag niyo sa asawa niyo na mas makakabuting lumayo siya sa nanunulsol, at tigilan niya ang pakikipag-usap doon. Kung tunay na mahal kayo ng asawa niyo, hindi na siya makikipag-usap sa nanunulsol. Kung magpapatuloy siya sa pakikipag-usap, malamang ay nakukumbinsi na siya.

 

***

PANALANGIN NG PAGTANGGAP KAY JESUS BILANG DIYOS AT TAGAPAGLIGTAS, AMA, ANAK, AT ESPIRITU SANTO: Panalangin upang di mawala ang Kristiyanismo sa Pilipinas: “Panginoong Jesus, tinatanggap at pinananampalatyaan kita na ikaw ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo na bumaba mula sa langit at tumungo sa lupa sa anyo ng tao, upang ibigay sa akin ang kaligtasan mula sa aking mga kasalanan. Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, at isulat mo ang aking pangalan sa iyong Aklat ng Buhay. Isinusuko ko sa iyo ang lahat sa aking buhay, ang aking isip, salita, gawa, at hitsura, sa lahat ng pagkakataon. Amen.”

 

***

TUMAWAG PO KAYO SA AMIN: Kung gusto ninyo ng mas matinding talakayan kung ang iba pang paraan ng kaligtasan ng tao ayon sa pananaw ng Simbahang Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo (AND KNK), tumawag po kayo sa amin sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 825 1308 o sa aking Messenger account sa Facebook, “Melanio Lazo Mauricio Jr.” Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong magbasa ng aming website sa AND KNK, ang andknk.ph o www.facebook.com/attybatas./WDJ

 

 

 

 

 

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *