INSPIRASYON SA BUHAY: “… Ang Panginoong Diyos ang aking lakas at kalasag. Sa Kaniya ako nagtitiwala, buong puso at lubusan. Tinutulungan Niya ako, at nalulubos ang aking kaligayahan…” (Mga Awit 28:7, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
GAMOT VS. COVID-19? SUBUKAN NATIN ANG DIYOS: Habang sinusulat ko ang kolum na ito, marami na sa mga kababayan natin ang nagpasyang kanselahin ang kanilang mga pagtitipon upang makaiwas sa epekto ng Covid-19, matapos maglabasan ang mga balita na napakarami na pala ang tinamaan ng nasabingsakit. Marami na din ang mga payo na naglalabasan na, kung papaano diumano lalabanan ang nasabing virus, o ‘di kaya ay iwasan ang pananalasa nito.
Bagamat okay lahat ang mga pasya at mga payo na ito dahil kaligtasan ng marami ang kanilang mga hangad, huwag nating kalilimutang ang Diyos lamang, wala ng iba, ang masusunod kung ano ang mangyayari sa Covid-19 at sa atin at sa ibang mga tao sa mga araw na darating. Kung ano ang pasya ng Diyos, iyon ang masusunod at magaganap.
Dahil diyan, aking ipinapayo, ilapit ang ating mga sarili, ang ating mga mahal sa buhay, ang iba pa, sa Diyos, dahil Siya ang ating lakas at kalasag, na laging laan tumulong sa mga nananampalataya sa Kaniya. Bago bumangon sa umaga, at bago matulog sa gabi, agad na tayong sumamba, magpuri, at magpasalamat sa Diyos, at hingin ang patuloy Niyang pagpapala, paggabay, at proteksiyon para sa ating lahat, pati na ang iba pang mga tao sa buong daigdig.
***
DEAR ATTY. BATAS: “Sa amin po, kakatwa ang deklarasyon ng public health emergency sa bansa, kahit na ang layunin nito ay labanan ang pananalasa ng Covid-19 sa mga Pilipino. Kasi po, walang guidelines kung ano ang gagawin, o hindi dapat gawin, upang makaiwas sa virus. Baka magdulot lamang ito ng pagkakawaldas sa pondo ng bayan. Tama po ba? Samahan ng mga Intilehenteng Pinoy na Sumisigaw na Ipaglaban ang Pilipinas at ang Bayan (SIPSIP BAYAN)”
SIPSIP BAYAN, salamat sa tanong na ito, bagamat may tanong din ako: rehistrado ba kayo sa pangalang ito? Anyway, sa pananaw ng BATAS (Buklod ng mga Abogadong Tagapagtaguyod ng Adhikaing Sambayanan) at ng LIGHT (Lawyers Instructed on Godliness, Humility, and Truth), may karapatan ang gobyerno, sa pamamagitan ng Pangulo, na magdeklara ng isang public health emergency sa harap ng mapaminsala at nakakamatay na sakit.
Kaya lang, kailangan talagang may mga tuntunin upang matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino, at kung papaano gagamitin ang pondo ng bayan sa mga pagkilos laban sa Covid-19. Magmadali dapat ang pamahalaan na liwanagin ang mga hakbang nito hinggil sa paglaban sa sakit na ito, at kung paano gagastusin ang pondong bayan para dito. Sang-ayon ako sa mga nananalangin na nawa, huwag magamit ang Covid-19 para malimas ang pondo ng gobyerno sa walang kapararakang mga gastusin.
***
MGA KADUGO NG AND KNK, TAGAPANGARAL AT TAGA-AKAY TUNGO SA KALIGTASAN: Sa isyu pa din po ng madilim na kapalarang naghihintay sa mga Kristiyanong Pilipino sa pagtungo dito ng mga Chino dahil mapapatay ang Kristiyanismo ng mga Chino na hindi naniniwala sa Diyos, basahin po natin ang dagdag na pahayag ng Lider Disipulo ng Simbahang Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo (AND KNK).
“… Kaya ang tanong: paano malulutas ang mga ito? Paano maliligtas ang mga mananampalataya, partikular ang mga Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo? Kailangan po na may magpursigi upang mapatatag ang mga tao sa pananampalataya sa Diyos. Kailangang may magsulong ng mga gawain ng Diyos. Sino po kaya ang tinawag, pinili, at isinugo, ng Diyos sa layuning ito?
“Maliwanag po na yun lamang mga tumanggap at sumampalataya ng may unawa na ang Diyos mismo ang bumaba mula sa langit, tumungo sa lupa, sa anyo ng tao na may laman at dugo, at tinanggap sa kaniyang Banal na Laman, Banal na Dugo, at Banal na Espiritu, ang parusang nakalaan sa mga tao.
“Sino ang mga ito? Ang mga Anak ng Diyos Kadugo ni Kristo. Kaugnay nito, alalahanin po natin na ang daigdig ay nasa panahon na ng kaniyang kawakasan. Malapit na pong dumating muli si Jesus. Ngunit bago magaganap ang mga ito, kailangan munang matupad ang sinasabi sa Mateo 24:14: maipangaral, at maakay ang mga bansa, sa Diyos. Wala pong ibang mag-aakay at magtuturo sa kanila kundi ang mga Anak ng Diyos Kadugo ni Kristo lamang…”
***
PANALANGIN NG PAGTANGGAP KAY JESUS BILANG DIYOS AT TAGAPAGLIGTAS, AMA, ANAK, AT ESPIRITU SANTO: Panalangin upang di mawala ang Kristiyanismo sa Pilipinas: “Panginoong Jesus, tinatanggap at pinananampalatyaan kita na ikaw ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo na bumaba mula sa langit at tumungo sa lupa sa anyo ng tao, upang ibigay sa akin ang kaligtasan mula sa aking mga kasalanan. Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, at isulat mo ang aking pangalan sa iyong Aklat ng Buhay. Isinusuko ko sa iyo ang lahat sa aking buhay, ang aking isip, salita, gawa, at hitsura, sa lahat ng pagkakataon. Amen.”/WDJ