INSPIRASYON SA BUHAY: “…’Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan’…” (si Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas na Siyang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo, sa Lucas 21:16, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
BAKIT WALANG KUMIKILOS SA MGA ABUSO VS. MGA “SEKYU?” Ang sabi ko noong isang araw sa isyu ng ex-security guard na nang-hostage ng 50 mga manggagawa sa isang department store sa Greenhills, San Juan City, pagkabaliw o kalituhan ng isip ang naging dahilan kaya kumilos ng ganoon ang guwardia. Lumilitaw, maraming dahilan kaya nabaliw siya, at pangunahin dito ang pang-aabuso sa kaniya at sa kaniyang mga kaparehong “sekyu” ng mga may-ari ng mga security agencies
Isipin nga naman natin. Pinagtatrabaho sila ng 12 oras araw-araw, at kung minsan ay higit pa, pero ang ipinasasahold lamang sa kanila ay yung ordinaryong bayad para sa walong oras na trabaho. Walang bayad yung apat na oras na dagdag na ipinaglingkod nila. Wala din silang overtime pay, o dagdag na bayad dahil gabi ang kanilang mga trabaho. Ang masama pa, pinagbabawalan silang magtayo ng kanilang mga unyon para ipagtanggol ang kanilang mga karapatan.
Ang nakakapagtaka sa lahat ng ito, walang nag-i-interest na iwasto ang mga abusong ito laban sa mga guwardiya. Tahimik ang mga kongresista, tahimik ang mga senador, tahimik ang Malacanang. Bakit? Dahil kaya ang may-ari ng mga security agencies na nang-a-abuso sa mga “sekyu” ay mga aktibo o retiradong matataas na opisyales ng Philippine National Police (PNP) o ng Armed Forces of the Philippines (AFP)? Buhay Pinoy talaga oo!
***
DEAR ATTY. BATAS: Aanyayahan ko po ang lahat ng mambabasa ng kolum na ito na ugaliin nap o ninyog makinig sa programang “Kakampi Mo Ang Batas” na sabayang sumasahimpapawid sa radyo (Star Radio Catbalogan 106.1 FM, at Bukidnon Radyo 94.3 Power FM) at sa Facebook pages na ang pangalan ay “Star Radio Catbalogan,” “Melanio Lazo Mauricio Jr.,” “Batas TV,” “Batas Internet Radio,” at “Kakampi Mo Ang Batas.”
Nagiging exciting po kasi ‘yung mga problemang idinudulog ng ating mga kababayan sa programa upang tugunin, liwanagin, o kilusin, ang kanilang mga problemang legal, o sa kanilang mga usapin sa batas at sa mga hukuman. Napapakinggan po ito nationwide at worldwide, Lunes hanggang Biyernes, alas 8 ng gabi, oras sa Pilipinas. Maaari din pong magtanong ang kahit na sino tungkol sa kahit anong problema sa batas na sinasagot namin sa abot ng aming makakaya.
Katuwang po namin dito si DJ Philip Mauricio, at sina dating Judge Angelina Domingo Mauricio, Atty. Leny Mauricio, Atty. Marisa Mauricio Panotes, Atty. Irene Fenix Mauricio, at Atty. Maria Luisa Domingo Mauricio, at ang mga grupong BATAS (Buklod ng mga Abogadong Tagapagtaguyod ng Adhikaing Sambayanan) at LIGHT (Lawyers Instructed on Godliness, Humility, and Truth). Nagbibigay po kami ng mga libreng payong legal araw-araw, at libreng serbisyo sa mga kuwalipikadong pagkakataon.
***
AWAY NG MAGKAKA-PAMILYA, ISA SA TANDA NG PAPARATING NA WAKAS: May iba pang mga tanda ng pagdating ng wakas ng mundo ang ipinahayag ni Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas na Siyang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo, sa Lucas 21 ng Bibliya. Isa dito ay yung tanda ng pagkakagulo ng mga magkaka-pamilya, kung saan ipagkakanulo na ng kanilang mga magulang ang kanilang mga anak, kapatid sa kapatid, kamag-anak, at kaibigan.
Ito ang dahilan kaya sa ngayon ay nakikita na natin, maging sa Pilipinas (o partikular na nga sa bansang ito), ang nakakarimarim na pagkakaroon ng lakas ng loob ng isang kapatid na direktang patayin o ipapatay sa iba ang kaniyang mga kapatid, at ang pagpatay ng mga magulang sa kanilang mga asawa, mga anak, mga sarili nilang kamag-anak at kaibigan.
Bahagi ito ng mga propesiya o pagpapahayag sa Bibliya ukol sa kasamaang lalaganap sa lahat ng dako pag malapit na ang wakas. Sabi ng Bibliya, kaya nagiging masama na ang halos lahat ng tao ay nawalan na sila ng kaalaman sa mga utos at tuntunin ng Diyos, kaya naman nawalan na din sila ng pagmamahal at pagkatakot sa Diyos. Kalunos-lunos ito dahil apoy at uod na walang hanggan ang naghihintay sa mga taong nagpakasama sa daigdig. Paano maiiwasan ito? Ulitin po ang panalangin sa ibaba nito.
***
PANALANGIN NG PAGTANGGAP KAY JESUS BILANG DIYOS AT TAGAPAGLIGTAS, AMA, ANAK, AT ESPIRITU SANTO: Panalangin upang maiwasan ang apoy at uod sa impiyerno: “Panginoong Jesus, tinatanggap at pinananampalatyaan kita na ikaw ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo na bumaba mula sa langit at tumungo sa lupa sa anyo ng tao, upang ibigay sa akin ang kaligtasan mula sa aking mga kasalanan. Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, at isulat mo ang aking pangalan sa iyong Aklat ng Buhay. Isinusuko ko sa iyo ang lahat sa aking buhay, ang aking isip, salita, gawa, at hitsura, sa lahat ng pagkakataon. Amen.”/WDJ