INSPIRASYON SA BUHAY: “… Sa loob ng panahong iyon, hahanapin ng mga tao ang kamatayan ngunit hindi ito matatagpuan. Nanaisin nila ang kamatayan ngunit lalayuan sila nito…” (Pahayag 9:6, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
BAKIT KAYA KAHIT NAHALAL NA SI DUTERTE, MAY KORAPSION PA DIN SA RP? Ilang punto lang po sa naglalagablab na isyu ng “pastillas scam” sa Bureau of Immigration. Una, pinatutunayan po nito na korap talaga ang tao, lalo na yung mga nasa gobyerno. Pag nabigyan sila ng pagkakataong kumita, kahit na sa tiwaling paraan, susunggaban at susunggaban nila ito, kahit alam nilang masama.
Pangalawa, hindi lunas ang ginawa ng Pangulong Duterte na pagpapatalsik ng maraming opisyales ng Bureau of Immigration na sinasabing tumatanggap ng pera mula sa mga Chino na ilegal na pumapasok sa Pilipinas. Gaya ng hindi din nalunasan ang korapsiyon sa mga ahensiyang kinakitaan ng malawakang katiwalian matapos patalsikin ang mga opisyales doon, ganoon din ang mangyayari dito sa Immigration.
Pangatlo, ang korapsiyon ay malalabanan lamang sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga nasa gobyerno at sa lahat ng Pilipino ng tunay na takot, pananampalataya, at pag-ibig sa Diyos. Kaya walang pagbabago sa Pilipinas kahit nahalal si Duterte (o ng kahit na sino pang susunod na pangulo na mangangako ng pagbabago) kasi nananatiling walang tunay na takot, pananampalataya at pag-ibig sa Diyos ang mga Pilipino.
***
DEAR ATTY. BATAS: “Lubha po kaming naguguluhan sa mga nabubunyag na katiwalian at korapsiyon sa pamahalaan, kahit na si Duterte pa ang pangulo, gaya ng nangyayari sa Bureau of Immigration sa `pastillas scam.’ Mukhang puro kadiyablohan na ang nasa isip ng mga Pilipino. Puro na tayo makasarili, lahat tayo ay wala ng takot sa Diyos at wala na ding pag-ibig sa bayan. Ano kaya ang nangyayari? At ano ang puwedeng ikaso sa mga taga Immigration sa ginawa nilang ito? Julian Makabayan.”
Julian Makabayan, salamat sa tanong na ito. Sa tanong mong ano ba ang nangyayari sa mga Pilipino, may sagot diyan ang Simbahang Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo. Ang nangyayaring pamamayani ng kasamaan, katiwalian, at kadiyablohan sa mga Pilipino ay dulot ng kanilang kawalan ng takot, pag-ibig at tapat na pananampalataya sa Diyos. Palsipikado ang pananampalayang Kristiyano ng maraming Pilipino, kaya kahit na sinasabi nilang maka-Diyos sila, hindi nila kilala ang Diyos, ni pinasasalamatan o pinararangalan man.
Wala na kasing panahon ang mga Pilipino sa Diyos. Wala ng nagbabasa ng Bibliya. Wala ng gumaganap sa mga tungkulin nila bilang mga Kristiyano na nakasulat sa Bibliya. Nagsisimba o dumadalo man sila sa pagsamba o praise and worship sa kanilang mga simbahan, ito ay pakitang-tao na lamang. Mas gusto na nila ang naglalaro ng kanilang mga gadgets kaysa nagbabasa ng Bibliya. Mas gusto na nilang nagga-gala kaysa sa tumutulong sa mga gawain ng Simbahan. Turo po ito ng kanilang tunay na diyos, ang diyablo.
Sa tanong sa batas naman, sinasabi ng BATAS (Buklod ng mga Abogadong Tagapagtaguyod ng Adhikaing Sambayanan) at LIGHT (Lawyers Instructed on Godliness, Humility, and Truth) na puwedeng kasuhan ang mga taga Immigration ng pandarambong o plunder, upang pag sila ay nasampahan ng kaso sa korte, makukulong agad sila kasi wala itong piyansa. Pero, kailangan pong tuusin muna kung magkano na ang naibulsa nila.
***
SA HIRAP NA DADANASIN NG TAO, NANAISIN NA NILA ANG MAMATAY, NGUNIT LALAYUAN SILA NG KAMATAYAN: Ano ang isang katangian ng Araw ng Matinding Kapighatian? Pagsusunog ng mga tao. Dahil dito, ang mga taong hindi tumangap at sumampalataya kay Jesus bilang Diyos at Tagapagligtas, Ama, Anak, at Espiritu Santo, patay na o buhay pa sa araw na iyon, ay makakaranas ng hirap. Susunugin sila, at makakaranas sila ng sobrang hirap habang sila ay sinusunog.
Sa hirap na dadanasin ng mga hindi tumanggap at sumampalataya na si Jesus ang Diyos at Tagapagligtas, Ama, Anak, at Espiritu Santo, nanaisin nila na sila ay mamatay na, pero hindi sila mamamatay. Sabi nga, hahanapin nila ang kamatayan ngunit lalayuan sila nito. At ipararanas sa kanila ang hirap na ito sa mahabang panahon, at magiging kalunos-lunos ang kanilang kalagayan. Magsisi man sila, wala na silang magagawa, maliban na lang na ulitin nila ang panalanging nakasulat sa ibaba nito.
***
PANALANGIN NG PAGTANGGAP KAY JESUS BILANG DIYOS AT TAGAPAGLIGTAS, AMA, ANAK, AT ESPIRITU SANTO: Panalangin upang maiwasan ang Araw ng Matinding Kapighatian: “Panginoong Jesus, tinatanggap at pinananampalatyaan kita na ikaw ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo na bumaba mula sa langit at tumungo sa lupa sa anyo ng tao, upang ibigay sa akin ang kaligtasan mula sa aking mga kasalanan. Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, at isulat mo ang aking pangalan sa iyong Aklat ng Buhay. Isinusuko ko sa iyo ang lahat sa aking buhay, ang aking isip, salita, gawa, at hitsura, sa lahat ng pagkakataon. Amen.”/WDJ