INSPIRASYON SA BUHAY: “…“Ngunit ang Araw ng Panginoon ay darating tulad ng isang magnanakaw. Sa araw na iyon, ang kalangitan ay biglang mawawala kasabay ng isang malakas na ugong. Matutupok ang araw, buwan at mga bituin. Ang mundo at ang lahat ng mga bagay na naririto ay mawawala…” (2 Pedro 3:10-12, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
MGA PULIS ANG DAHILAN KAYA BIGO ANG KAMPANYA SA DROGA?Ayaw kong sabihing “sabi ko na nga ba,” pero, sige na, sasabihin ko na din: “sabi ko na nga ba.” Ayon na din sa Pangulong Duterte mismo, maraming mga pulis na itinalagang lalaban sana sa problema ng ilegal na droga sa Pilipinas ay siya mismong mga problema sa droga, dahil, ayon na rin sa Pangulong Duterte, sila ang galamay ng mga sindikatong nagpapakalat ng droga sa ating bayan.
Kaya nga kahit na marami ng napatay ang mga pulis na ito na sinasabing sangkot sa pagtutulak ng mga ipinagbabawal na droga, nananatiling grabe pa din ang problema sa illegal drugs. Kasi, yung mga tunay na dahilan ng salot na ito, nasa tungkulin pa din sila at nagtatago sa kanilang mga uniporme. Totoo nga, walang kalutasan ang problemang ito pag ganito ng ganito. Tunay nga, masasabi nating bigo ang war on drugs ni Duterte at ang dahilan ay mga pulis din.
Sa ganang akin, uulitin ko na naman: walang kalutasan ang mga problema sa droga, kriminalidad, at korapsiyon, habang ang maraming Pilipino ay nananatiling walang takot at pag-ibig sa Diyos. Dahil wala silang takot at pag-ibig sa Diyos, ang mga Pilipinong ito ay magpapatuloy sa kanilang mga tiwaling gawain at mga krimen. Hindi na ito kaya ni Duterte, o ng sinumang pangulo. Tanging Diyos lamang ang makakalutas ng lahat ng ito!
***
DEAR ATTY. BATAS: Sa problema pa din ni Jenelyn Abero, nais din nating turuan ang mga nabibiktima ng mga kabataang bastos at walang modo ng isa pang paraan kung papaano lalabanan ang ganitong mga kabataan, kasama na ang kanilang mga kunsintidor na magulang. Kailangang maisama ang mga magulang na ito sa kasong kriminal, upang sila man ay magtanda, kasabay ng kaso laban sa kanilang mga anak para patalsikin sila sa kanilang mga paaralan.
Sa pag-aaral ng BATAS (Buklod ng mga Abogadong Tagapagtaguyod ng Adhikaing Sambayanan) at ng LIGHT (Lawyers Instructed on Godliness, Humility, and Truth), maaaring papanagutin ang mga magulang ng mga batang kinukunsinti nila upang maging bastos at walang modo, sa krimen ng Child Abuse, sa ilalim ng Republic Act 7610. Maliwanag kasing kaya nagiging bastos at masama ang ugali ng mga bata kasi hindi sila nadisiplina ng kanilang mga magulang.
Sa ilalim ng RA 7610, ang anumang pagkilos ninuman, kasama na ang mga magulang ng bata, na nakakapagdala sa mga bata sa pagiging bastos o kawalang-galang sa mga matatanda ay ituturing na abuso kontra sa bata. Sa tingin ng BATAS at ng LIGHT, kailangang demandahin din ang mga magulang ng mga batang ito upang maturuan din sila ng leksiyon.
***
ARAW NG MATINDING KAPIGHATIAN: SUSUNUGIN ANG LANGIT, ANG ARAW, ANG BUWAN, ANG MGA BITUWIN, AT ANG DAIGDIG: Ang 2 Pedro 3:10-12 ng Bibliya ay naglalaman din ng maliwanag na pagsasalarawan ng mangyayari sa lahat ng bagay pagdating ng tinatawag na Araw ng Panginoon, o ang araw ng muling pagbabalik ng Panginoong Jesus sa daigdig, hindi na bilang Tagapagligtas, kundi bilang isang Hukom na.
Ganito ang nakasulat doon: “Ngunit ang Araw ng Panginoon ay darating tulad ng isang magnanakaw. Sa araw na iyon, ang kalangitan ay biglang mawawala kasabay ng isang malakas na ugong. Matutupok ang araw, buwan at mga bituin. Ang mundo at ang lahat ng mga bagay na naririto ay mawawala…”
Marami ang hindi pumapansin sa bersikulong ito ng Bibliya, dahil ang akala nila ay hindi na nila aabutan iyon, o hindi naman talaga magaganap ang pagpapahayag na ito ng pagdating ng Araw ng Panginoon. Malaki po ang problema ng mga taong ito, pagdating ng araw na iyon, dahil tutupukin sila at pahihirapan. May bersikulo pa nga na nagsasabi na dahil sa sobrang hirap ng tao sa mga panahong iyon, gugustuhin na nila ang mamatay, pero lalayuan sila ng kamatayan! Ulitin natin ang panalangin sa ibaba nito, upang makaiwas sa araw na ito!
***
PANALANGIN NG PAGTANGGAP KAY JESUS BILANG DIYOS AT TAGAPAGLIGTAS, AMA, ANAK, AT ESPIRITU SANTO: Panalangin upang maiwasan ang Araw ng Matinding Kapighatian: “Panginoong Jesus, tinatanggap at pinananampalatyaan kita na ikaw ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo na bumaba mula sa langit at tumungo sa lupa sa anyo ng tao, upang ibigay sa akin ang kaligtasan mula sa aking mga kasalanan. Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, at isulat mo ang aking pangalan sa iyong Aklat ng Buhay. Isinusuko ko sa iyo ang lahat sa aking buhay, ang aking isip, salita, gawa, at hitsura, sa lahat ng pagkakataon. Amen.”
***
TUMAWAG PO KAYO SA AMIN: Kung gusto ninyo ng mas matinding talakayan kung sino ang tunay na Diyos ayon sa pananaw ng Simbahang Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo (AND KNK), tumawag po kayo sa amin sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 8251308 o sa aking Messenger account sa Facebook, “Melanio Lazo Mauricio Jr.” Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong magbasa ng aming website sa AND KNK, ang andknk.ph o www.facebook.com/attybatas./WDJ