INSPIRASYON SA BUHAY: “…’Sikapin muna ninyong pagharian kayo ng Diyos, at sumunod sa lahat ng kaniyang mga utos, at ibibigay sa inyo ang lahat ng kailangan niyo’…” (si Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas at Siyang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo, sa Mateo 6:33, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
BIR: OKAY BA ANG SPORTS CARS NA NAGKALAT SA PALIGID? Dalawang matanda, isang babae at isang lalaki, ang nagulantang noong bigla na lamang nagharurutan ang ilang mga sports car na tiyak milyon-milyon ang halaga ng bawat isa sa Santolan Avenue, Quezon City, sa tabi mismo ng Camp Aguinaldo papunta ng Libis o ng Eastwood noong Linggo ng dapit-hapon, Pebrero 09, 2020.
Matandang babae (MB): “Aba’y kagaganda naman ng mga kotseng iyan, gaya ng mga kotseng nagkakarerahan sa North Luzon Expressway tuwing Linggo ng umaga”. Matandang lalaki (ML): “Oo nga. Tiyak, sandamukal ang pera ng mga yan kasi milyones ang halag ng bawat isa ng mga kotseng iyan.” MB: “Ano kayang klaseng negosyo ng mga may-ari ng mga kotseng ito?” ML: “Hindi natin alam pero, sa totoo lang, siguradong hindi sa mabuting paraan nakuha ang mga perang ipinambili niyan.”
MB:”Bakit mo naman nasabi yan?” ML: “Kasi, kung galing sa mabuting negosyo ang perang ipinambili ng mga yan, hindi mangangahas ang mga may-ari na bumili ng mga ganyang kotse. Isipin mo, kung pinaghirapang kitain ang perang ipinambili diyan, tapos sasayangin lamang sa ganyang mga kotse, na tuwing Linggo lang ginagamit upang ipagyabang?” MB: “Oo nga ano? Okay kaya sa BIR yan mga yan?”
***
DEAR ATTY. BATAS: “Atty. Batas, ask ko lang po. Puwede ba manghuli ang warrant section ng mga pulis kung iba po ang pangalang nakalagay sa warrant at sa pangalan ko? Kasi, hinuli po ako, kahit hindi naman ako yun? Nakakulong po ako ngayon. Ang sabi sa akin ng pulis na humuli sa akin, mag-piyansa na lang daw ako. Salamat po, Nona.”
Nona, salamat sa tanong na ito. Sa pagtaya ng BATAS (Buklod ng mga Abogadong Tagapagtaguyod ng Adhikaing Sambayanan) at LIGHT (Lawyers Instructed on Godliness, Humility, and Truth), hindi pupuwedeng hulihin ang tao batay sa isang warrant of arrest kung iba ang pangalang nakalagay sa warrant kumparado sa tunay na pangalan ng hinuli. Maaari pong maging ilegal arrest yung ganun, at puwedeng kasuhan yung pulis na gumawa nito.
Kaya lang, may mga exceptions po diyan sa alituntunin na yan. Isa dito ay kung ang pangalang nakalagay sa warrant of arrest ay siyang pangalan na ipinakilala ng taong hinuhuli. Halimbawa, kung Nona ang pangalang ipinakilala sa isang nagrereklamo, at Nona ang inilagay niyang pangalan sa inirereklamo niya, bagamat hindi Nona ang tunay na pangalan, maaari pa ding arestuhin yung tao na nagpakilala sa pangalang Nona bagamat iba ang tunay na pangalan niya. Tawag po kayo sa mga numbers sa ibaba nito para sa dagdag na payo.
***
PARAAN UPANG MAKAMTAN NG TAO ANG LAHAT NG NAIS NIYA: Paano ba makakamtan ng tao ang lahat ng kaniyang kailangan sa buhay? Sa aral ng Simbahang Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo (AND KNK) batay sa mga pahayag sa Bibliya, kailangan ng tao ang tatlong bagay: una, tanggapin at panampalatayaan niya si Jesus bilang Diyos at Tagapagligtas, Ama, Anak, at Espiritu Santo; pangalawa, makinig siya sa mga utos ng Diyos sa bawat araw: at pangatlo, sumunod sa mga utos na ito.
Isang halimbawa ng bahagi ng Bibliya na kumukumpirma sa sinasabi kong ito ay ang Mateo 6:33, kung saan sinabi ni Jesus: “Sikapin muna ninyong pagharian kayo ng Diyos, at sumunod sa lahat ng kaniyang mga utos, at ibibigay sa inyo ang lahat ng kailangan niyo.” Maliwanag po ang pangako sa bersikulong ito: ibibigay sa inyo ang lahat ng kailangan niyo.
Tunay naman pong napaka-simple ng pagpapahayag na ito, na si Jesus mismo ang nagsabi. Pagharian muna tao ng Diyos, at sumunod sa Kaniyang mga utos.Pag nagawa natin ito, ibibigay sa atin ang lahat ng kailangan natin. All-encompassing, ika nga, ang pahayag na ito ni Jesus. Ano ang ibibigay sa atin? Ang lahat ng kailangan natin! So ano pa ang hinihintay natin? Magsikap na tayong pagharian ng Diyos, sa pamamagitan ng pag-ulit sa panalanging nakasulat sa ibaba nito.
***
PANALANGIN NG PAGTANGGAP KAY JESUS BILANG DIYOS AT TAGAPAGLIGTAS, AMA, ANAK, AT ESPIRITU SANTO: “Panginoong Jesus, tinatanggap at pinananampalatyaan kita na ikaw ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo na bumaba mula sa langit at tumungo sa lupa sa anyo ng tao, upang ibigay sa akin ang kaligtasan mula sa aking mga kasalanan. Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, at isulat mo ang aking pangalan sa iyong Aklat ng Buhay. Isinusuko ko sa iyo ang lahat sa aking buhay, ang aking isip, salita, gawa, at hitsura, sa lahat ng pagkakataon. Amen.”
***
TUMAWAG PO KAYO SA AMIN: Kung gusto ninyo ng mas matinding talakayan kung sino ang tunay na Diyos ayon sa pananaw ng Simbahang Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo (AND KNK), tumawag po kayo sa amin sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 8251308 o sa aking Messenger account sa Facebook, “Melanio Lazo Mauricio Jr.” Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong magbasa ng aming website sa AND KNK, ang andknk.ph o www.facebook.com/attybatas./WDJ