
INSPIRASYON SA BUHAY: “…’Pakatandaan ninyo: ang nananalig sa akin ay makakagawa ng mga ginagawa ko, at higit pa kaysa rito’…” (si Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas, Ama, Anak, at Espiritu Santo, sa Juan 14:12, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
PRAYER WARRIORS KAILANGAN NG RP VS. NCOV, AT IBA PANG MGA PROBLEMA: Prayer warriors. Mga tao at grupong mananalangin ng mananalangin, anuman, ang kanilang relihiyon, upang mapagtagumpayan natin ang hamon ng 2019 novel coronavirus (nCoV), at maging ang iba pang mga mabibigat na pagsubok na dumadating sa bansang Pilipinas at sa sambayanang Pilipino sa ngayon.
Ito ang kailangan nating lahat sa ngayon, hindi yung mga taong wala ng ginawa kundi bumatikos, pumuna, at kumuwestiyon sa mga pagkilos ng pamahalaan upang labanan ang nCoV, at maging sa mga pasyang nakatuon naman sa iba pang mga isyung kinakaharap ng bayan. Kung wala din lamang maibibigay ang sinuman na tulong—sa pera man o sa ibang bagay— tumahimik na lamang sila at manalangin upang igawad ng Diyos ang Kaniyang tulong.
Marami ng mga bansa ang nagpatunay na nagiging matatag at matagumpay at masagana ang kanilang sambayanan kung malaking bahagi ng buhay ng mga mamamayan ay itinutuon nila sa mga panalangin at sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. Sa kabilang dako, marami ding mga bansa ang nagpakita ng halimbawa ng kapariwaraan dahil ang kanilang mga mamamayan ay tumalikod, at wala ng takot at pagmamahal sa Diyos.
***
DEAR ATTY. BATAS: “Ako po ay si Jaime Santiago ng Tondo, Manila. Gusto ko lang pong itanong kung ang mga panawagan ba upang palitan ang gobyerno at patalsikin ang Pangulong Duterte sa pamamagitan ng isa na namang people power sa Pebrero 22, 2020 ay legal o naaayon sa batas? Wala bang pananagutan ang mga tao o grupong nasa likod ng ganitong mga panawagan? Salamat po!”
Jaime Santiago ng Tondo, Manila, salamat sa tanong na ito na iyong ipinadala sa 0977 805 9058. Ayon sa pag-aaral ng BATAS (o Buklod ng mga Abogadong Tagapagtaguyod ng Adhikaing Sambayanan) at LIGHT (o Lawyers Instructed on Godliness, Humility, and Truth), may panagutang kriminal at maaaring makulong ng mula 12 taon hanggang 20 taon ang mga taong nananawagan upang palitan ang gobyerno o patalsikin ang Pangulong Duterte ngayong Pebrero, batay sa Artikulo 138 ng Revised Penal Code.
Ang tawag sa ganitong krimen ay inciting a rebellion or insurrection. Ang pinarurusahan dito ay ang panawagan laban sa gobyerno at sa pangulo. Sa kabilang dako, kung itinuloy nila o ng iba pa ang pagpapalit ng gobyerno o pagpapatalsik sa pangulo ng bansa gamit ang mga armas o sa magulong paraan, maaaring maging rebellion o sedition ang kaso. Delikado po ang sumama sa mga ganitong panawagan o pagkilos laban sa pamahalaan.
***
ANONG KAPANGYARIHAN BA ANG IBIBIGAY SA TAONG NANINIWALANG SI JESUS ANG DIYOS AMA? Anong klase ng kapangyarihan ba ang ibinigay sa isang tao na tumanggap at sumampalataya kay Jesus bilang Diyos at Tagapagligtas, Ama, Anak, at Espiritu Santo? Sa turo ng Simbahang Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo (AND KNK), ang kapangyarihang sinasabing ibibigay sa isang tao na tumanggap at sumamapalataya kay Jesus ay yung kapangyarihang magbibigay sa tao kakayahang gawin lahat ang mga ginawa ni Jesus, at higit pa.
Ito mismo ang pahayag ni Jesus sa Juan 14:12, na mababasa natin sa ating Inspirasyon sa Buhay ngayong araw na ito. Batay sa Kaniyang sinabi, lahat ng ginawa Niyang himala ay magagawa din ng mga tumanggap at sumampalataya kay Jesus bilang Diyos at Tagapagligtas, Ama, Anak, at Espiritu Santo. Ano ba ng ginawang ito ni Jesus na magagawa din ng tao? Bumuha ng mga patay! Magpagaling ng mga may-sakit! Magpakain ng 6,000 gamit ang limang pirasong tinapay at dalawang pirasong isda lamang.
Ganundin, lumakad si Jesus sa ibabaw ng tubig. Napatigil Niya ang nagngangalit na hangin at nag-aalimpuyong dagat. Nagpa-alis Siya ng mga demonyo. Nagpatawad Siya ng mga kasalanan, at marami pang iba. Mapapasa-tao ang lahat ng kapangyarihang ito, bilang bahagi ng kaniyang “unang antas ng kaligtasan,” kung tatanggapin at pananampalatayaan ng tao si Jesus bilang kaniyang Diyos at Tagapaligtas, Ama, Anak, at Espiritu Santo. Para magawa niyo ito, dasalin po ang panalangin sa ibaba nito.
***
PANALANGIN NG PAGTANGGAP KAY JESUS BILANG DIYOS AT TAGAPAGLIGTAS, AMA, ANAK, AT ESPIRITU SANTO: “Panginoong Jesus, tinatanggap at pinananampalatyaan kita na ikaw ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo na bumaba mula sa langit at tumungo sa lupa sa anyo ng tao, upang ibigay sa akin ang kaligtasan mula sa aking mga kasalanan. Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, at isulat mo ang aking pangalan sa iyong Aklat ng Buhay. Isinusuko ko sa iyo ang lahat sa aking buhay, ang aking isip, salita, gawa, at hitsura, sa lahat ng pagkakataon. Amen.”
***
TUMAWAG PO KAYO SA AMIN: Kung gusto ninyo ng mas matinding talakayan kung sino ang tunay na Diyos ayon sa pananaw ng Simbahang Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo (AND KNK), tumawag po kayo sa amin sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 8251308 o sa aking Messenger account sa Facebook, “Melanio Lazo Mauricio Jr.” Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong magbasa ng aming website sa AND KNK, ang andknk.ph o www.facebook.com/attybatas./WDJ