Mga China OFWs, dalhin sa South China Sea

Posted by watchmen
February 11, 2020
Posted in OPINION

INSPIRASYON SA BUHAY: “…’Ngunit tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Banal na Espiritu’…” (si Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas, Ama, Anak, at Espiritu Santo, sa Mga Gawa 1:8, Ang Tanging Daan Bibliya).

 

***

MGA CHINA OFWs, DALHIN SA SOUTH CHINA SEA: Sa away ngayon sa pagitan ng pamahalaang nasyonal at ng mga pamahalaang lokal ukol sa kung saan dapat dalhin ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na uuwi mula sa Wuhan City, Hubei, China upang makaiwas sa sakit na 2019 Novel Coronavirus, may magandang panukala ang aking maybahay, si dating Paranaque City Judge Angelina Domingo Mauricio.

Sabi niya: “Kung natatakot ang mga probinsiya natin na tanggapin ang mga OFWs na galing ng China, sa mga malalaking isla sa South China Sea (SCS) na lamang sila dalhin at isa-ilalim sa quarantine at pagsusuri kung may sakit na din silang 2019 Novel Coronavirus. Madali namang mag-set up ng mga temporary quarters doon sa mga isla sa South China Sea. Tiyak, walang magrereklamo laban sa mga OFWs mula China sa mga islang yun.”

Oo nga naman! Bakit nga hindi doon sa mga isla sa South China Sea dalhin ang mga kababayan nating galing China? Sang-ayon ako na madali lang naman na magtayo ng temporary quarters para sa kanila doon habang sila ay sinusuri. Tapos, dahil napapaligiran ng tubig-dagat ang mga isla, walang virus ang makakatakas mula doon, at makakahawa ng ibang Pilipino. At, nakakatiyak tayo na walang mga kamag-anak ang mga China OFWs ang makakalapit sa kanila doon.

 

***

DEAR ATTY. BATAS: Naririto po ang ilang sagot natin sa mga isyung inidulog sa atin ng ating mambabasa na si Jace Parayno. Una, mas makakabuti para sa sinumang may reklamo sa kaniyang kapwa na huwag kokomprontahin ng personal ang inirereklamo nilang tao. Gulo ang dulot ng personal na komprontasyon, lalo na kung walang mga autoridad gaya ng barangay at pulis na mamamagitan at titiyak ng kaayusan ng pag-uusap ng magkabilang-panig.

Sa takbo ng isip ng maraming mga Pilipino sa ngayon na akala mo lagi silang tama, at hindi tumatanggap ng maayo ng mga puna mula sa iba, malamang sa hindi ay lumala lamang ang gulo, o di kaya ay magkasakitan pa ang mga tao. Sa maraming pagkakataon, ang personal na komprontasyon ay tumutuloy pa sa kamatayan ng isa o ng lahat ng mga naglalaban-laban. Mas makakabuting idaan na lamang sa barangay o pulisya ang reklamo.

Ganundin, kung hindi na sakop ng barangay ang usapin o ang gusot ng magkabilang panig, mas makakabuti sa nagnanais magreklamo na kumuha na ng abogado at magpatulong upang maisampa na ang mga kaukulang kaso—sa piskalya, sa mga kasong kriminal, o sa mga hukuman, sa mga kasong sibil. Sa ganitong paraan, sa hukuman o sa piskalya na ang paliwanagan ng magkabilang panig. May dugtong pa itong mga payon natin kay Jace Parayno.

 

***

KAPANGYARIHAN, IBINIBIGAY SA MGA TUMANGGAP KAY JESUS BILANG DIYOS AMA: Sa Simbahang Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo (AND KNK), maliwanag ang pagtuturo namin na ang pananampalatayang espirituwal ng isang tao—o ang kaniyang paniniwalang may Diyos—ay laging usapin ng “kapangyarihan”. Ibig sabihin nito, kung ang isang tao ay tumanggap at sumampalataya kay Jesus bilang Diyos at Tagapagligtas, Ama, Anak, at Espiritu Santo, tatanggap siya ng kapangyarihan mula sa Diyos.

Ang pagtanggap na ito ng kapangyarihan mula sa Diyos ng isang tao na tumanggap at sumampalataya kay Jesus bilang Diyos at Tagapagligtas, Ama, Anak, at Espiritu Santo, ay bahagi ng tinatawag ng AND KNK na “unang antas ng kaligtasan”. Ipinapahayag ang pagtanggap na ito ng kapangyarihan mula sa Diyos ng isang tao sa maraming bahagi ng Bibliya, partikular sa pahayag ni Jesus na nakasulat sa Mga Gawa 1:8.

Ano ang ibig sabihin ng “kapangyarihan” na ibinigay ng Diyos? Ibig sabihin, kapangyarihang mapagtagumpayan ang mga kahirapan, kaguluhan, at kabiguan sa daigdig na ito—o, batay sa turo ng AND KN, ang unang antas ng kaligtasan. Kung ang isang tao ay nabigyan ng Diyos ng kapangyarihan, hindi na siya maghihirap, hindi na siya kukulangin sa pera, ng kaapihan mula sa iba, at ng mga karamdamang walang gamot. Mag-iiba na, kumbaga, ang buhay ng tao—mula sa pagiging ordinary, tungo sa masagana at matagumpay na buhay. Gusto niyong subukan ito? Ulitin niyo ang panalangin sa ibaba nito.

 

***

PANALANGIN NG PAGTANGGAP KAY JESUS BILANG DIYOS AT TAGAPAGLIGTAS, AMA, ANAK, AT ESPIRITU SANTO: “Panginoong Jesus, tinatanggap at pinananampalatyaan kita na ikaw ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo na bumaba mula sa langit at tumungo sa lupa sa anyo ng tao, upang ibigay sa akin ang kaligtasan mula sa aking mga kasalanan. Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, at isulat mo ang aking pangalan sa iyong Aklat ng Buhay. Isinusuko ko sa iyo ang lahat sa aking buhay, ang aking isip, salita, gawa, at hitsura, sa lahat ng pagkakataon. Amen.”/WDJ

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *