INSPIRASYON SA BUHAY: “… ‘Ang sabi niya, ‘Kung ako ay buong puso ninyong susundin, kung gagawin ninyo ang matuwid at susundin ang aking kautusan at mga tuntunin, hindi ko ipararanas sa inyo ang alinman sa mga sakit na ipinadala ko sa Egipto. Akong si Yahweh ang inyong manggagamot’…” (Exodus 15:26, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
CAB, MIAA, BI: SERYOSO BA KAYO LABAN SA nCoV? Maniniwala na sana akong seryoso na ang pananalasa ng nCoV sa ating bansa, lalo na at may utos na ang Pangulong Duterte noong Linggo, Pebrero 02, 2020, na nagbabawal sa pagpasok ng mga dayuhang nagmula sa China o sa mga teritoryo nito (HongKong at Macau) sa Pilipinas, at, sa “sapilitang quarantine” ng mga Pilipino at mga dayuhang may permanent resident visa sa bansa sa loob ng 14 na araw matapos silang makabalik dito, upang matiyak na wala silang dalang nCoV.
Ang problema lamang, sa paliwanag ng Civil Aeronautics Board at ng Manila International Airport Authority at maging ng Bureau of Immigration sa isang press conference noong Linggo din, ang ibig palang sabihin ng “sapilitang quarantine” ay “home quarantine.” In short, hindi pala ididitine ang mga Pilipino at mga dayuhang may permanent resident visa sa bansa sa loob ng labing-apat na araw na inoobserbahan sila. Tanong: seryoso ba kayo laban sa nCoV?
Pahihintulutan pala na sa bahay ng mga Pilipino at ng mga permanent residents sila dapat isinasailalim sa “quarantine.” Teka lang. Sino ang makakapagsabi na sa loob ng 14 na araw na dapat ay nasa loob lamang ng kanilang mga bahay ang mga Pilipino at permanent residents na ito na nanggaling sa China at sa mga territories nito?
Pasensiya na po ang mga autoridad natin pero kilala po ang mga Pilipino at mga dayuhang napahintulutang tumira dito sa pagiging masuwayin o pala-laban sa mga utos ng pamahalaan, at tiyak ng marami na lalabas at lalabas din sila at pupunta pa sa ibang lugar. Kung ganoon palang okay din na sa bahay na lang sila iko-quarantine, ibig sabihin wala talagang banta pa sa kalusugan natin.
***
DEAR ATTY. BATAS: Dear Atty. Batas. Hello po Attorney. Ask ko lang po, puwedi ko bang kasuhan yung taong pinagpopost ako sa Facebook ng wala namang katotohanan? At saan po ba ako pweding lumapit na ahensya para sampahan ng kaso. Alexa Nicole Iglesia.”
Alexa Nicole Iglesia, salamat sa tanong na ito na iyong ipinadala sa aking email address, batasmauricio@yahoo.com. Sa pananaw ng BATAS (Buklod ng mga Abogadong Tagapagtaguyod ng Adhikaing Sambayanan) at LIGHT (Lawyers Instructed on Godliness, Humility, and Truth), ang krimeng nagawa laban sa inyo ay paglabag sa Philippine cybercrime law (RA 10175) at Data Privacy Act (Republic Act 10173).
Una po, kailangan niyong lumapit muna sa abogado upang makapagbigay kayo ng inyong salaysay at ng mga katibayang gagamitin ninyo sa pagsasampa ng kaso laban sa nagpo-post sa inyo sa Facebook. Ang abogado po ang gagawa ng mga pagkilos upang maidulog sa kaukulang ahensiya ng pamahalaan ang inyong mga reklamo.
***
PAG TINANGGAP NIYO SI JESUS NA SIYANG DIYOS AMA, PAGPAPALAIN KAYO SA LAHAT NG INYONG GAGAWIN: Sa aral ng Simbahang Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo (AND KNK), ang isa sa mga patunay ng “unang antas ng kaligtasan” na ibinibigay sa mga tumanggap at sumampalataya na ang Diyos Ama mismo ang bumaba mula sa langit at tumungo sa lupa sa anyo ng tao na may laman at dugo at tumanggap sa Kaniyang Banal na Laman, Banal na Dugo, at Banal na Espiritu ng parusa para sa ating mga kasalanan, at nagpakilalang Jesus ang Kaniyang Pangalan, ay mababasa sa Deuteronomio 28:1-14.
Naririto ang ilan sa mga pagpapalang nakasaad sa Deuteronomio 28:1-14 ay ang mga sumusunod: “Kung susundin lamang ninyo si Yahweh na inyong Diyos at tutuparin ang kanyang mga utos, gagawin niya kayong pinakadakila sa lahat ng mga bansa sa balat ng lupa. Mapapasa-inyo ang lahat ng mga pagpapalang ito kung susundin ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh.
“Pagpapalain niya kayo sa inyong mga bayan at sa inyong mga bukid. Pagpapalain niya kayo ng maraming anak, masaganang ani sa inyong lupain, at maraming alagang hayop. Pagpapalain niya ang imbakan ng inyong inaning butil at ang mga pagkaing nagmumula roon. Pagpapalain niya kayo sa lahat ng inyong gagawin….” Mayroon pa pong dagdag ang mga pagpapalang ito. Alamin po nating lahat, at pagkatapos sikapin nating abutin ang mga ito.
***
PANALANGIN NG PAGTANGGAP KAY JESUS BILANG DIYOS AT TAGAPAGLIGTAS, AMA, ANAK, AT ESPIRITU SANTO: “Panginoong Jesus, tinatanggap at pinananampalatyaan kita na ikaw ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo na bumaba mula sa langit at tumungo sa lupa sa anyo ng tao, upang ibigay sa akin ang kaligtasan mula sa aking mga kasalanan. Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, at isulat mo ang aking pangalan sa iyong Aklat ng Buhay. Isinusuko ko sa iyo ang lahat sa aking buhay, ang aking isip, salita, gawa, at hitsura, sa lahat ng pagkakataon. Amen.”
***
TUMAWAG PO KAYO SA AMIN: Kung gusto ninyong magkaroon ng mas matinding kaalaman kung sino ang tunay na Diyos, tumawag po kayo sa amin sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 825 1308 o sa aking Messenger account sa Facebook, “Melanio Lazo Mauricio Jr.” Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong magbasa ng aming website sa AND KNK, ang andknk.ph o www.facebook.com/attybatas./WDJ