
INSPIRASYON SA BUHAY: “…Ako ay si Yahweh, wala nang iba pa; walang ibang Tagapagligtas, maliban sa akin…” (Isaias 43:11, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
NOVEL CORONA VIRUS DELIKADO? MAS MALAKI ANG DIYOS KO DIYAN! Nagkakagulo sa ngayon ang maraming mga kababayan natin, lalo na yung may mga social media platorms gaya ng Facebook, matapos aminin ng Department of Health (na may kumpirmadong kaso na ng novel corona virus (nCoV) sa bansa. Panic at takot ang ipinakikita ng marami sa pagbubunyag ng DOH.
Pero, may magagawa ba ang sinuman kung panic at takot ang kanilang paiiralin? Sabi nga, sino ba sa atin ang makakapagpahaba ng kaniyang buhay ng kahit isang oras lamang sa pamamagitan ng pag-aalala, o pagkabalisa, o pagkatakot? Wala naman di ba. Sa halip, gawin natin ang itinakdang panlaban sa lahat problema, partikular ang mga sakit at karamdaman.
Ang sabi, huwag tayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin natin sa Diyos ang lahat ng ating kailangan, sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. Hanapin muna natin ang Kaniyang kaharian, at mamuhay tayo ayon sa Kaniyang mga kautusan, at ipagkakaloob sa atin ang ating mga kailangan. Delikado ang N corona virus, pero, higit na malaki at makapangyarihan ang ating Diyos at Tagapagligtas na ang Pangalan ay Jesus.
***
DEAR ATTY. BATAS: Sagot pa din po ito sa mga tanong ni Ms. Aileen, isa sa ating mga mambabasa ng kolum na Kakampi Mo Ang Batas. Ang isa sa mga isyu niya ay yung pagpapalit niya ng apelyido ng kaniyang menor de edad na anak. Gamit ng bata ang apelyido ng kaniyang ama, bagamat di kasal ang ama sa ina. Pumirma ang ama sa birth certificate ng bata na siya nga ang ama. May problema ba ito, tanong ni Ms. Aileen sa BATAS (Buklod ng mga Abogadong Tagapagtaguyod ng Adhikaing Sambayanan) at LIGHT (Lawyers Instructed on Godliness, Humility, and Truth).
Depende po sa sitwasyon. Kung ang pagpapalit ng apelyido ay ginawa sa pamamagitan ng kautusan ng hukuman, matapos ang isang paglilitis batay sa isinampang kaso ng ina ng bata, okay lamang ito at walang magiging problema. Ang problema lang ay kung basta na lang pinalitan ang apelyido ng bata, o di kaya ay nagsumite ng bagong birth certificate na iba na ang kaniyang apelyido bagamat ang unang birth certificate ay buhay pa.
Falsification of public documents ang tawag sa ganitong pagkakaroon ng panibagong birth certificates bagamat buhay pa ang una. May parusa itong pagkakakulong ng halos anim na taon. Medyo mabigat ang kasong ito dahil yung pagsusumite ng bagong birth certificate gayong buhay pa ang una ay ituturing na agad na palsipikasyon. Sa mga nagnanais magkaroon ng solusyon sa ganitong problema, tawag po kayo sa akin.
***
UNANG ANTAS NG KALIGTASAN: KALIGTASAN SA DAIGDIG NA ITO: Sa ating kolum kahapon, ang tanong na iniwan natin ay ito: ano ang dapat gawin upang matanggap nating mga tao ang tatlong antas ng kaligtasan mula sa ating Diyos at Tagapagligtas na ang Pangalan ay Jesus? May sagot po ang Simbahang Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo (AND KNK) diyan pero linawin muna natin kung ano ang tinatawag nating tatlong antas ng kaligtasan.
Ang unang antas ng kaligtasan ay ang kaligtasan laban sa kahirapan, kaguluhan, at kabiguan sa buhay sa daigdig na ito. Alam kasi natin na sa maraming tao, mabigat ang daloy ng kanilang mga buhay. Laging salat at kapos, o kulang, sa pera at sa iba pang mga biyayang materyal. Lagi ding sangkot ang marami sa mga gulo, at bigo sa kanilang mga nais abuting ambisyon.
May kaligtasang dulot ang Diyos dito. Sabi sa Mateo 6:33, Kawikaan 3:1-2, Jeremias 29:11, Deuteronomio 28:1-14, ng Bibliya, pag tayo nakinig at sumunod sa Kaniyang mga utos, mapapasa-atin ang lahat ng mga pagpapala sa pera, sa talino, sa kalusugan, at sa lahat ng bagay. Maraming mga tao ang ayaw umunawa ng katotohanang dala ng mga bersikulong ito kaya bagsak sila pero yung mga may unawa, tanggap nila ang biyaya, pagpapala, at proteksiyon ng Diyos.
***
PANALANGIN NG PAGTANGGAP KAY JESUS BILANG DIYOS AT TAGAPAGLIGTAS, AMA, ANAK, AT ESPIRITU SANTO: “Panginoong Jesus, tinatanggap at pinananampalatyaan kita na ikaw ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo na bumaba mula sa langit at tumungo sa lupa sa anyo ng tao, upang ibigay sa akin ang kaligtasan mula sa aking mga kasalanan. Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, at isulat mo ang aking pangalan sa iyong Aklat ng Buhay. Isinusuko ko sa iyo ang lahat sa aking buhay, ang aking isip, salita, gawa, at hitsura, sa lahat ng pagkakataon. Amen.”
***
TUMAWAG PO KAYO SA AMIN: Kung gusto ninyong magkaroon ng mas matinding kaalaman kung sino ang tunay na Diyos, tumawag po kayo sa amin sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 825 1308 o sa aking Messenger account sa Facebook, “Melanio Lazo Mauricio Jr.” Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong magbasa ng aming website sa AND KNK, ang andknk.ph o www.facebook.com/attybatas.?WDJ