INSPIRASYON SA BUHAY: “… Habang si Jesus ay nagtuturo sa Templo, sinabi niya, ‘Bakit sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na ang Cristo ay anak ni David? Hindi ba’t si David na rin ang… ang tumawag sa kanya ng Panginoon; paano siya magiging anak ni David?’…” (Marcos 12:35-37, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
GOBYERNONG DUTERTE: PARA SA MGA KAIBIGAN LANG? Ito ang tahasang tanong na inilabas ng aking kapatid na si Atty. Leny Mauricio, bilang reaksiyon sa balitang pinakakansela ng Pangulong Duterte ang Visiting Forces Agreement sa pagitan ng Pilipinas at ng US, matapos kanselahin ng mga Amerikano ang US visa ng kaibigan ng Pangulo na si Sen. Ronaldo Bato Dela Rosa.
Eto pa ang idinagdag ni Leny: “Para kanino ang gobyerno? Para sa mga tao, o para sa iilang tao na malapit sa mga nakaupo sa kapangyarihan? Kapag ganito ang maririnig at mababasa mo, mapapa-isip ka: Papaano ang 99.99% ng mga Pilipinong walang koneksiyon at umaasa lamang sa serbisyo ng mga opisyal sa gobyerno? Talaga nga yatang isinumpa ang mga Pilipino pagdating sa mga umuupo sa kapangyarihan…”
Ito naman ang aking pananaw sa sinulat na ito ni Atty. Leny: ang pagkakaroon ng mabuting pinuno ay mula sa Diyos. Ayon sa Bibliya, ang pinunong mahusay ay ibinibigay sa mga taong nakikinig sa tinig at sumusunod sa mga utos ng Diyos. Kung ang mga tao ay hindi na nakikinig at hindi na sumusunod sa mga utos ng Diyos, ang pinunong ibinibigay ng Diyos sa kanila ay katulad din nilang malayo sa Diyos, at wala ang loob sa paglilingkod ng tapat sa kapwa.
***
DEAR ATTY. BATAS: “Dear Attorney Batas. Good day po Attorney. tanong ko lang po kung may habol pa ba anak ko ng sustento sa ama niya? Itago nyo na lang po ako sa pangalang Aileen. Nagsama po kami ng kalive- in ko at nagkaanak. Sa birth certificate po nakapirma sya sa likod at apelyido po nya ang gamit ng anak ko.
“Nalaman ko nagkaroon sya ng relasyon sa ibang babae wala pang 1 taon ang anak namin kaya kahit nagsasama na kami noon napapabayaan na niya ang needs ng baby namin kaya napagdesisyunan ko na umalis na lang kami ng anak ko sa poder nya at maghanap na lang ako ng trabaho para buhayin anak ko. Tumira kami sa nanay ko.
“Dahil wala pa akong trabaho noon humingi ako ng sustento para sa anak namin kasi nagagagatas pa si baby pero marami syang dahilan kesyo kulang nga daw sweldo nya kasi siya daw gumagastos sa pamilya ng babae nya. May gana syang buhayin ang malalakas pa na magulang ng babae nya kesa sa anak niya. Wala po siya talagang ganang suportahan anak namin.
“Nagdesisyunan ko na palitan apelyido ng anak ko bago pa sya mag-aral binalewala po namin ang unang birth certificate at nagpagawa ng bago ayoko po kasi dalhin niya apelyido ng ama nya. Apelyido po ng asawa ng kapatid ko ang ginagamit ng anak ko at ngayon po ay 12 years old na yung anak namin.
“May habol pa ba anak ko sa sustento sa ama nya gayong pinalitan ko apelyido ng bata? Balita ko po may kakayahan na sya magsuporta dahil maganda ang trabaho nya at asensado na ang buhay samantalang kami ng anak ko tiis sa buhay. Lubos po ako nagpapasalamat sa magiging kasagutan ninyo. God bless po.”
Aileen, salamat sa tanong na ito. Ang sagot ng BATAS (o Buklod ng mga Abogadong Tagapagtaguyod ng Adhikaing Sambayanan) at ng LIGHT (o Lawyers Instructed on Godliness, Humility and Truth): May karapatan ang anak mo na humingi ng suporta sa ama niya, kahit ibang apelyido ang ginagamit niya. May tungkulin ang ama na magbigay ng suporta, lalo na kung kinilala naman niya yung bata sa pamamagitan ng pagpirma niya sa birth certificate nito.
***
PATOTOO NI HARING DAVID: SI JESUS ANG DIYOS AMA: Sa maraming bahagi ng Bibliya, sinasabi doon na si Jesus ay “anak ni David.” Ginagamit ng ilang mga mangangaral ang mga bahaging ito ng Bibliya upang patunayan na si Jesus ay tao lamang, dahil ang pagpapakilala sa Kaniya ay anak Siya ni David. At dahil tao si David, tao din si Jesus, sabi nila. Tama ba ang ganitong pananaw? Sa pag-aaral ng Simbahang Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo (AND KNK), hindi po ito makatotohanan.
Sa totoo lang, maging si Jesus mismo, ay nagtanong: “kung anak ako ni David, bakit tinawag ako ni David ng `Panginoon?’ Makikita ang tanong Niyang ito sa Marcos 12:35-37. Ang tanong ng AND KNK: bakit nga ba tinawag ni David si Jesus na “Panginoon?” Iisa lang ang sagot: kasi, alam ni David na si Jesus ay hindi niya (David) anak, at hindi talaga anak ng tao si Jesus. Alam ni David na si Jesus ang Diyos, kaya tinawag niya (ni David) si Jesus ng “Panginoon.”
***
PANALANGIN NG PAGTANGGAP KAY JESUS BILANG DIYOS AT TAGAPAGLIGTAS, AMA, ANAK, AT ESPIRITU SANTO: “Panginoong Jesus, tinatanggap at pinananampalatyaan kita na ikaw ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo na bumaba mula sa langit at tumungo sa lupa sa anyo ng tao, upang tubusin ako sa parusa sa aking mga kasalanan. Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, at akayin mo ako sa lahat ng sandali. Isinusuko ko sa iyo ang aking buhay, ang aking isip, salita, gawa, at hitsura, sa lahat ng pagkakataon. Amen.”
***
TUMAWAG PO KAYO SA AMIN: Kung gusto ninyong magkaroon ng mas matinding kaalaman kung sino ang tunay na Diyos, tumawag po kayo sa amin sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 825 1308 o sa aking Messenger account sa Facebook, “Melanio Lazo Mauricio Jr.” Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong magbasa ng aming website sa AND KNK, ang andknk.ph o www.facebook.com/attybatas./WDJ