INSPIRASYON SA BUHAY: “… Sumagot si Jesus…’Kung hindi kayo maniniwalang ako ay si ‘Ako Nga,” mamamatay kayong hindi napapatawad ang inyong mga kasalanan’…” (Juan 8:24, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
ORTIGAS BUS BLOCKADE:KAWAWA ANG MGA SANGKOT NA DRIVERS: Sa totoo lang, dapat kaawaan ang mga drivers at mga operators ng tatlong pampasaherong bus na nakunan ng litrato habang nakaharang sila sa kabuuan ng service road sa Ortigas Avenue Extension sa may boundary ng Rizal at Metro Manila noong nakaraang Disyembre, dahilan upang masarhan ang kalsada at wala ng madaanan ang ibang motorista.
Ganundin, dapat ding kaawaan ang iba pang mga Pilipino, ke sila ay mga pribadong mamamayan o mga nasa pamahalaan, na gumagawa ng katiwalian, kasamaan, at iba pang kasalanan sa Diyos, at sa kanilang kapwa-tao. Kasi, bagamat maaaring makalusot sila sa mga parusang ipinaiiral ng mga batas ng tao sa ngayon, pero tiyak ang parusang naghihintay sa kanila sa buhay na walang hanggan.
Ang masakit pa, hindi na lamang ang mga tiwaling ito ang parurusahan, kundi ang kanilang mga anak hanggang ikatlo at ika-apat na salinlahi. Kung tutuusin nga, parurusahan na din ang lahat ng mga kaapu-apuhan ng mga tiwali hanggang sa matapos na ang mundo, habang sila ay nabubuhay pa sa daigdig na ito, at sa buhay na walang hanggan.
***
WALANG HANGGANG APOY AT UOD ANG NAGHIHINTAY SA MGA TIWALI: Oo naman, maaaring isipin ng mga tiwali at masasama na hindi totoo ang mga sinasabi kong ito, o di kaya naman ay matagal pa bago pangyari ang pagpaparusa sa kanila at sa kanilang mga pamilya. Pero, kung naniniwala din lamang sa Diyos at sa Kaniyang Bibliya ang mga tiwaling ito, malalaman nila na sa pagiging makatarungan ng Diyos, tiyak ang pagpapalasap Niya ng parusa sa mga lumabag sa Kaniyang mga utos at aral.
Totoo ngang mapagmahal ang Diyos, at hindi Siya malupit, at hindi Niya hahayaang magdusa ang Kaniyang mga nilikha. Pero kaakibat ng pagiging mapagmahal ng Diyos, Siya ay tunay na makatarungan at nagpapatupad, ng walang pagkiling, ng Kaniyang mga alituntunin. Kaya dapat unawain ng mga tiwali at masasama na sa tamang panahon, sa panahong tinatawag na Paghuhukom, ang mga sumunod sa mga utos ng Diyos ay sa Paraiso tutungo.
Sa kabilang dako, sa Paghuhukom, ang mga sumuway sa mga utos ng Diyos, kahit na sa kaliit-liitang utos, ay tatanggap ng parusa. Simple lang naman ang alituntunin ng Diyos : Kung ano ang itinanim, yun ang aanihin. Lahat ng ating mga gawa, hayag man o lihim, mabuti man o masama, ay ipagsusulit natin sa Diyos. At tunay namang kakila-kilabot ang kapalarang naghihintay sa mga gumawa ng masama. Kahit na sila ay magsisi sa mga panahong yun, kakainin pa din sila ng mga uod, at susunugin pa din sila sa apoy, ng walang hanggan.
***
KAILANGANG MANIWALA TAYO KAY JESUS NA SIYA ANG DIYOS AMA, ANAK, AT ESPIRITU SANTO: Sa mga nagsasabing naniniwala sila kay Jesus bilang Kanilang Diyos at Tagapagligtas at Siyang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo, dapat din nilang paniwalaan ang Kaniyang talinghaga ukol sa mga kambing at mga tupa sa wakas ng panahon. Sa talinghagang ito ni Jesus mismo, maliwanag na ang mga taong mabubuti ay isasama ng Diyos sa Paraiso, samantalang ang mga masasama ay itatapon sa apoy at uod ng impiyerno, kung saan walang hanggang hirap ang kanilang daranasin.
Sino ang mga kambing na itatapon sa impiyerno? Sila yung mga hindi tumanggap at sumampalataya sa Kaniya bilang Diyos at Tagapagligtas na Siyang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo, at hindi tumulong sa ibang tao habang ang mga ito ay nakakaranas ng gutom, uhaw, hirap, sakit o karamdaman, at pagkakakulong. Sino naman ang mga tupa?
Sila yung mga tumanggap at nananampalataya kay Jesus na Siya ang Diyos at Tagapagligtas, Ama, Anak, at Espiritu Santo, at tumulong sa mga mahihirap, tumutugon sa kanilang mga pangangailanan. Sa ngayon, maaaring inaakala nating hindi mangyayari sa atin ang talinghagang ito, pero kung naniniwala din lamang kayo kay Jesus, sinabi Niyang malapit na ang kaganapan ng lahat ng ito.
***
PANALANGIN NG PAGTANGGAP KAY JESUS BILANG DIYOS AT TAGAPAGLIGTAS, AMA, ANAK, AT ESPIRITU SANTO: “Panginoong Jesus, tinatanggap at pinananampalatyaan kita na ikaw ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo na bumaba mula sa langit at tumungo sa lupa sa anyo ng tao, upang tubusin ako sa parusa sa aking mga kasalanan. Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, at akayin mo ako sa lahat ng sandali. Isinusuko ko sa iyo ang aking buhay, ang aking isip, salita, gawa, at hitsura, sa lahat ng pagkakataon. Amen.”
***
TUMAWAG PO KAYO SA AMIN: Kung gusto ninyong magkaroon ng mas matinding kaalaman kung sino ang tunay na Diyos, tumawag po kayo sa amin sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 825 1308 o sa aking Messenger account sa Facebook, “Melanio Lazo Mauricio Jr.” Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong magbasa ng aming website sa AND KNK, ang andknk.ph o www.facebook.com/attybatas./WDJ