INSPIRASYON SA BUHAY: “… Sumagot si Jesus…`Kung ako’y kilala ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyo ng nakita… Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing `ipakitamo sa amin ang Ama?’…” (Juan 14:7, 9, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
ILANG TAAL EVACUEES, PINAGKAKAKITAAN ANG RELIEF GOODS? Noong una kong mabasa sa social media ang mga ulat na nagsasabing marami na sa mga kababayan nating umalis sa kanilang mga tahanan matapos sumabog ang Taal noong Enero 12, 2020 at nakikituloy sa ngayon sa mga evacuation centers sa iba’t ibang lugar sa Batangas ang medyo nagpapakita na ng hindi magandang ugali o pagkilos, hindi ako agad naniwala.
Naisip ko, noong matanggap ko ang mga ulat na iyon, alangan namang nakaharap na nga sila sa trahedya, maiisip pa ng evacuees ang kumita. Pero, nakaramdam ako ng matinding lungkot matapos akong makipag-usap sa ilang mga nangangasiwa sa mga evacuation centers sa Batangas na nagsabi sa akin na totoo nga ang mga ulat. Marami na sa mga evacuees ang tanggap ng tanggap ng mga supot-supot na relief goods, pero hindi naman nila ito ginagamit para sa kanilang mga pansariling pagkain.
Sa halip, ayon sa mga nakausap ko, ipinagbibili ng maraming mga evacuees ang mga relief goods at pagkatapos ay pumipila pa din sila at nanghihingi ng libreng pagkaing pang-almusal, pang-tanghalian, at hapunan nila, na ang mga bumili at nagluto ay yung mga nangangasiwa ng evacuation centers. Ibig sabihin, may mga evacuees na pinagkakakitaan pa ang mga relief goods na donasyon sa kanila sa kagandahang-loob ng ibang mga Pilipino.
***
DEAR ATTY. BATAS: “Magandang hapon po Atty. Batas. Hihingi lang po sana ako ng payo tungkol dun sa may nagpost sa akin sa social media. Sa sinalihan ko po na paluwagan yun Ngayon, ng makuha ko na po ang item, na-disappoint po ako sa quality niya. Wala po akong plano na hindi i-fully paid yun, kaso po, noong makita ko yung item…
“Ngayon po, nag-post po siya kasama pa ang mga anak ko, pati ang asawa ko. Nakikusap po ako na burahin na at babayaran ko yung three weeks na di ko pa nababayaran. Inaantay ko lang po ang pera ko. Pero ayaw po niyang burahin. Sabi pa niya, kapag di ako nagbayad, linggo-linggo niya ako ipo-post sa lahat ng groups niya nationwide. Salamat po at sana matugunan ninyo itong aking tanong. Wilma Platilla, Nueva Ecija.”
Wilma Platilla ng Nueva Ecija, salamat po. Sa pagtaya ng BATAS (Buklod ng mga Abogadong Tagapagtaguyod ng Adhikaing Sambayanan) at LIGHY (Lawyers Instructed on Goddliness, Humility,and Truth), maaari ninyong panagutin ang mga nag-post sa inyo ng mga sumusunod na krimen: cyber libel (kung siniraan kayo at ang inyong mga anak at asawa), at paglabag sa karapatang pambata (Republic Act 7610). Magpunta na kayo agad sa malapit na police station sa inyong lugar at magreklamo.
***
KUNG NAKITA AT KILALA MO SI JESUS, NAKITA AT KILALA MO NA ANG DIYOS AMA: Sa Juan 14 ng Bibliya, mababasa natin ang pahayag ni Jesus sa Kaniyang mga alagad na sina Tomas at Felipe na kung nakita ninuman Siya, si Jesus, nakita na din nila ang Ama, at kung kilala ninuman si Jesus, kilala na din nila ang Ama. Mababasa po ang mga ito sa Juan 14:7 at 9. Maliwanag sa kabuuan ng Juan 14, partikular sa nasabing dalawang bersikulo, ang katotohanang si Jesus ang Ama, at Siya din ang Anak at Espiritu Santo.
Isipin po natin: dahil si Jesus at ang Ama ay iisa ayon na rin sa Kaniyang sariling pahayag (Juan 10:30), at si Jesus ang “Ako Nga” na Siyang Diyos nina Abraham, Isaac, at Jacob, tunay nga na kapag kilala na natin Siya (si Jesus) at kapag nakita na natin Siya (si Jesus), kilala na din natin at nakita na din natin ang Ama. Iisa ang dahilan ng ganitong pananaw: si Jesus ang Ama sa langit.
May mga mangangaral na nagsasabing dahil “Anak ng Diyos” si Jesus, natural lamang na “parang” nakita na natin ang Ama pag nakita na natin Siya (si Jesus) at “parang” kilala na din natin ang Ama kung kilala na natin si Jesus. Pero, maliwanag naman po ang Juan 14:7 at 9: hindi binanggit doon ni Jesus ang salitang “parang”. Dineretso ni Jesus ang pagpapahayag: kapag nakita na natin Siya, si Jesus, nakita na natin ang Ama, at kapag kilala nating si Jesus, kilala din natin ang Ama. Simple ang ibig sabihin nito: Si Jesus ang Ama.
***
PANALANGIN NG PAGTANGGAP KAY JESUS BILANG DIYOS AT TAGAPAGLIGTAS, AMA, ANAK, AT ESPIRITU SANTO: “Panginoong Jesus, tinatanggap at pinananampalatyaan kita na ikaw ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo na bumaba mula sa langit at tumungo sa lupa sa anyo ng tao, upang tubusin ako sa parusa sa aking mga kasalanan. Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, at akayin mo ako sa lahat ng sandali. Isinusuko ko sa iyo ang aking buhay, ang aking isip, salita, gawa, at hitsura, sa lahat ng pagkakataon. Amen.”
***
TUMAWAG PO KAYO SA AMIN: Kung gusto ninyong magkaroon ng mas matinding kaalaman kung sino ang tunay na Diyos, tumawag po kayo sa amin sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 825 1308 o sa aking Messenger account sa Facebook, “Melanio Lazo Mauricio Jr.” Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong magbasa ng aming website sa AND KNK, ang andknk.ph o www.facebook.com/attybatas./PB