Blackouts sa Occidential Mindoro pinaiimbestigahan

Posted by watchmen
January 20, 2020
Posted in OPINION

INSPIRASYON SA BUHAY: “… `Pakatandaan ninyo: Bago pa man isinilang si Abraham, ako ay si ‘Ako Nga’…” (si Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas na Siyang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo, Juan 8:58, Ang Tanging Daan Bibliya).

 

***

BLACKOUTS SA OCCIDENTIAL MINDORO, PINAIIMBESTIGAHAN: Bakit tila yata nauuso ang blackout sa Occidental Mindoro? Ito ang tanong na nais bigyang-kasagutan ng isang provincial board member ng lalawigan, si Bokal Diana Apigo Tayag, matapos itong maghain ng isang resolusyon para sa isang imbestigasyon ng Provincial Board sa isyu.

Sa kaniyang Facebook account, ganito ang sinabi ni Diana, na nakasama ko noong Sabado at Linggo sa Boracay sa 2020 Midyear Review ng District 3810 ng Rotary International kung saan isa siya sa mga Champion Presidents ng mga Rotary Clubs sa Occidental Mindoro: “Nanghihingi po ako ng legislative inquiry sa nangyayaring malawakang blackout na ating nararanasan ngayon.

“Pakiusap ko lang po mga kababayan, huwag kasi tayo madaling makalimot. Alam ko na mapagtiis at mababait mga Mindorenyo, pero parang inaabuso na ang kabaitan natin. Every 6 months na lang na hindi maibigay ng ERC (Energy Regulatory Commission) ang subsidy na gusto ng (kooperatiba ng kuryente), ganito ginagawa nila sa ating lalawigan.

“Buhay at kabuhayan natin ang pineperhuwisyo nila! Oras na po para ituloy ang CSP, o ang Competitive Selection Process ng Occidental Mindoro Electric Cooperative (OMECO), ang pagpapapasok at paghahanap  ng bagong power provider.

“Yan na lang po ang pag-asa natin na magkaroon tayo ng bagong power provider na magbibigay sa atin ng clean, green, at murang kuryente. Huwag na po tayong pumayag na magpa-api. Bantayan natin ang CSP na ginagawa ng OMECO. Yan na lang po ang pag-asa natin na once and for all masolusyunan na ang ating dekadang problema sa brownout!”

 

***

DEAR ATTY. BATAS: Sa araw na ito, ililista natin dito ang ilang mga exceptions sa alituntunin sa Katarungang Pambarangay Law na ang lahat ng mga kaso, ke kriminal o sibil ang mga ito, ay dapat munang idaan sa barangay bago ito maisampa sa hukuman. Ipagpapatuloy natin ang isyung ito upang maunawaan ng ating mga kababayan kung dapat pa bang idaan sa barangay ang kanilang mga kaso o hindi na.

Ang isa sa mga pinaka-unang exception dito, batay sa Local Government Code of 1991, ay yung sitwasyong ang nagdedemandahan ay nakatira sa magkaibang bayan o lungsod. Kung ang nagrereklamo at ang inerereklamo ay residente ng makaibang bayan o lungsod, maaari na nilang ituloy ang kaso ng diretso sa piskalya o sa hukuman. May dagdag pa po ito.

 

***

KUNG SI “AKO NGA” AY ANG AMA SA LANGIT, AT SINABI NI JESUS NA SIYA SI “AKO NGA,” SI JESUS NGA ANG AMA SA LANGIT: Sa pagpapatuloy ng ating pagpapaliwanag ukol sa katotohanang si Jesus ang Diyos at Tagapagligtas at Siyang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo, makikita natin na maraming pagkakataong ipinakikilala ni Jesus na hindi Siya tao, at Siya ay ang Ama na bumaba mula sa langit at tumungo sa lupa sa anyo ng tao na may laman at dugo at may Pangalang Jesus.

Nakita natin sa Juan 8:24 at 8:58 halimbawa ang Kaniyang direkta at walang gatol na pagpapahayag na Siya, si Jesus, ay si “Ako Nga.” Sino si “Ako Nga?” Ayon sa Exodo 3:14, si “Ako Nga” ay ang Diyos, na Diyos ni Abraham, Isaac, at Jacob, na may lalang ng langit at lupa. Kung sinabi ni Jesus na Siya ay si “Ako Nga,” at si “Ako Nga” ay ang Diyos na nasa langit, maliwanag na si Jesus, na nagsabing Siya si “Ako Nga,” ang siyang Diyos, Ama, at Espiritu Santo.

Bukas, titingnan po natin ang ibang mga bersikulo kung saan maliwanag na sinasabi ni Jesus, bagamat sa matalinghagang pamamaraan nga lang, na Siya ang Ama. Sa mga bersikulong ito, God willing, makikita natin na tunay na si Jesus ang Diyos Ama, wala ng iba. Antabayanan po ninyo ang pag-aral na ito. Paki-share po ito sa inyong mga kaibigan, kamag-anak, kakilala, at mga kasama sa inyo-inyong Simbahan na ang turing kay Jesus ay tao lamang, o di kaya ay Diyos na mas mababa ang rangko sa Ama.

 

***

PANALANGIN NG PAGTANGGAP KAY JESUS BILANG DIYOS AT TAGAPAGLIGTAS, AMA, ANAK, AT ESPIRITU SANTO: “Panginoong Jesus, tinatanggap at pinananampalatyaan kita na ikaw ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo na bumaba mula sa langit at tumungo sa lupa sa anyo ng tao, upang tubusin ako sa parusa sa aking mga kasalanan. Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, at akayin mo ako sa lahat ng sandali. Isinusuko ko sa iyo ang aking buhay, ang aking isip, salita, gawa, at hitsura, sa lahat ng pagkakataon. Amen.”

 

***

TUMAWAG PO KAYO SA AMIN: Kung gusto ninyong magkaroon ng mas matinding kaalaman kung sino ang tunay na Diyos, tumawag po kayo sa amin sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 825 1308 o sa aking Messenger account sa Facebook, “Melanio Lazo Mauricio Jr.” Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong magbasa ng aming website sa AND KNK, ang andknk.ph o www.facebook.com/attybatas./WDJ

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *