Mark Villar, may conflict of interest sa Prime Water?

Posted by watchmen
January 17, 2020
Posted in OPINION

INSPIRASYON SA BUHAY: “… Kaya’t sinabi ni Jesus… `mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan. Kung hindi kayo maniniwalang ‘Ako’y Ako Nga,’ mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan’…” (Juan 8:24, Ang Tanging Daan Bibliya).

 

***

MARK VILLAR, MAY CONFLICT OF INTEREST SA PRIME WATER? Sa mga pagbubunyag sa lingguhang “Wednesday Round Table Discussion” noong Miyerkules, Enero 15, 2020, na pinangasiwaan ng batikang broadcaster na si Melo Acuna, dapat magpaliwanag si Secretary Mark Villar ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kung noong naging kalihim siya ng DPWH ay nagbitiw siya bilang pinuno ng Local Water Utilities Administration o LWUA.

Lumilitaw kasi, batay sa naging talakayan sa forum ni Melo, na ang LWUA pala ay isang ahensiya sa ilalim ng DPWH na kung saan ang DPWH Secretary (si Mark Villar na nga) ay siyang chairman of the board ng LWUA. Kailangan ang agaran niyang pagliliwanag sa bagay na ito kasi yung Prime Water na pag-aari ng kaniyang pamilya ay nakabili pala ng 70 water districts humigit-kumulang.

Eh yung mga water districts ay nasa kontrol at pangagngasiwa naman ng LWUA. Yung isa ngang sumubaybay sa talakayan nina Melo noong Miyerkules ay nagtanong na: legal ba na bilhin ng Prime Water ng mga Villar rang mga water districts na mga ahensiya ng gobyerno? At ayon pa doon sa nagtanong, maliwanag na may conflict of interest si Mark Villar dito, dahil pinuno nga siya ng LWUA at pamilya naman niya ang may–ari ng Prime Water na bumili ng mga water districts. Naku ha!!!

 

***

DEAR ATTY. BATAS: “Dear Atty. Batas. Ako ay si Leonor Gonzales ng Abucay, Bataan. Nadiskubre ko po na ang aking asawa ay baog at hindi pupuwedeng magka-anak matapos kaming ikasal. Nagalit po ako at ang pamilya ko kasi nais ko at ng mga kamag-anak ko na magka-anak ako, sa personal na dahilan. Pupuwede ko po bang ipabalewala ang kasal namin ng aking asawa batay sa kaniyang pagiging baog? Okay naman po siyang makipagtalik, yun nga lang, baog nga po siya.”

Leonor Gonzales ng Abucay, Bataan, salamat po sa tanong na ito. Sa pag-aaral ng BATAS (Buklod ng mga Abogadong Tagapagtaguyod ng Adhikaing Sambayanan) at LIGHT (Lawyers Instructed on Godliness, Humility, and Truth), hindi pupuwedeng ipabalewala ang kasal ng mag-asawa kung ang dahilan ay pagkabaog ng isa sa kanila, o pagkabaog nilang dalawa. Hindi po kasi batayan ng annulment of marriage ang pagka-baog, o yung kawalan ng kakayahang magka-anak.

Ang kasal ay mababalewala lamang kung ang isa sa mag-asawa ay walang kakayahang makipagtalik. Ang pakikipagtalik po kasi ay tungkulin ng mag-asawa. Kung hindi magagampanan ng sinuman sa mag-asawa ang tungkuling ito, maaaring magsampa ng kaso ang agrabiyadong asawa upang mabalewala ang kanilang kasal, batay sa Art. 36 ng Family Code.

 

***

SABI NI JESUS: “AKO AY SI `AKO NGA’”:  Sa mga masusing nag-aaral ng Bibliya, tiyak na mauunawaan nila na ang isa sa mga Pangalan ng Diyos ay “Ako Nga.” Ang Ama mismo ang nagbigay ng Pangalang ito, partikular noong kinausap Niya si Moses sa Kaniyang anyong naglalagablab na halaman (Exodo 3:14). Noong tinanong ni Moses kung sino ang sasabihin niyang nagsugo sa kaniya sa Hari ng Egipto, sinabi ng Diyos: “Ako ay si Ako Nga.”

Ano ang kinalaman nito sa pagpapatotoo na si Jesus nga ang Amang Diyos sa langit? Malaki po. Kasi, sa Juan 8:24, sinabi ni Jesus sa mga Judio na kung hindi sila maniniwalang Siya, si Jesus, ay si “Ako Nga,” mamamatay sila sa kanilang mga kasalanan. Maliwanag po dito na si Jesus ang “Ako Nga,” ang Diyos na nagsugo kay Moses, at Siya mismo ang paghayag nito, wala ng iba.

Kung hindi ang Diyos Ama si Jesus, sasabihin kaya Niya na Siya ay si “Ako Nga”? Magiging malaking paglapastangan sa Diyos Ama, kung sakaling hindi nga Siya si Jesus. Dahil diyan, kailangan nating paniwalaan na si Jesus nga ang Diyos na bumaba mula sa langit, tumungo sa lupa sa anyo ng tao na may laman at dugo, upang tubusin ang kanilang mga kasalanan. Maliwanag, si Jesus ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo.

 

***

PANALANGIN NG PAGTANGGAP KAY JESUS BILANG DIYOS AT TAGAPAGLIGTAS, AMA, ANAK, AT ESPIRITU SANTO: “Panginoong Jesus, tinatanggap at pinananampalatyaan kita na ikaw ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo na bumaba mula sa langit at tumungo sa lupa sa anyo ng tao, upang tubusin ako sa parusa sa aking mga kasalanan. Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, at akayin mo ako sa lahat ng sandali. Isinusuko ko sa iyo ang aking buhay, ang aking isip, salita, gawa, at hitsura, sa lahat ng pagkakataon. Amen.”

 

***

TUMAWAG PO KAYO SA AMIN: Kung gusto ninyong magkaroon ng mas matinding kaalaman kung sino ang tunay na Diyos, tumawag po kayo sa amin sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 825 1308 o sa aking Messenger account sa Facebook, “Melanio Lazo Mauricio Jr.” Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong magbasa ng aming website sa AND KNK, ang andknk.ph o www.facebook.com/attybatas./WDJ

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *