INSPIRASYON SA BUHAY: “…Ngunit habang pinag-iisipan ito ni Jose, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, `Jose… huwag kang matakot na pakasalan si Maria, sapagkat ang sanggol na dinadala niya ay mula sa Espiritu Santo. Magsisilang siya ng isang batang lalaki at Jesus ang ipapangalan mo sa sanggol sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan’…” ( Mateo 1:20-21, Ang Tanging Daan, Bibliya).
***
PAGIGING KATOK AT GANID NG PINOY, LUMITAW MULI SA “TAAL”: Sa pagsabog ng bulkang Taal noong Linggo ng hapon, Enero 12, 2020, minsan pang pinatunayan ng maraming Pilipino na may “katok” sila sa pag-iisip, o di kaya naman ay diyablong-diyablo sila sa pag-uugali. Ang unang pagpapatunay: ilang minuto lamang matapos sumabog ang bulkan, ubos na agad ang mga face masks sa mga botika dahil may ilan na binili na lahat ang mga maskara.
Maliwanag ang layunin ng kung sino man yung umubos sa mga face masks sa mga botika, at nung malalaking drug stores sa Metro Manila na pumayag sa bultuhang bilihan. Ninais ng mga bumili at nagbili ng bultuhan na kumita sa mga kababayan nating tiyak na mangangailangan ng face masks. May tanong sa mga ganitong negosyante: ano ang mapapala nila makamtan man nila ang yaman ng mundo kung ang kanilang kaluluwa’y sa impiyerno naman tutungo?
Pangalawang pagpapatunay ng pagkakaroon ng “katok” o di kaya ng “kadiyablohan” ng maraming Pilipino: sa kabila ng trahedya ng Taal, walang pakundangan pa din silang nagpapakalat ng mga fake news sa social media. Naku naman talaga, oo! Ano na ba ang nangyari sa ating lahi at lumayo na talaga tayo sa kagandahang asal at mabuting pag-uugali? Bakit ba nawala na sa atin talaga ang takot at pag-ibig sa Diyos?
***
DEAR ATTY. BATAS: “Dear Atty. Batas. Isa po ang pamilya namin na lubhang nasalanta ng biglaang pagputok ng Taal. Ni wala man lamang pong babala bago ito pumutok. Ang tanong lang po namin, maaari ba naming ihabla ang mga kaukulang ahensiya at opisyales ng gobyerno sa kanilang kapabayaan? Salamat po. Liza Candidato, Tagaytay City.”
Liza Candidato, salamat din sa inyong tanong. Sa pananaw ng BATAS (o Buklod ng mga Abogadong Tagapagtaguyod ng Adhikaing Sambayanan) at LIGHT (Lawyers Instructed on Godliness, Humility, and Truth), maaaring mahabla ng graft and corruption ang nasabing mga opisyales sa ilalim ng Section 3 (e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, o Republic Act 3019.
Batay sa Section 3 (e), may pananagutang kriminal para sa korapsiyon ang isang opisyal ng gobyerno na nakapagbigay ng di makatwirang pinsala sa iba, dahil sa kaniyang posisyon. Kaya lang, kailangang patunayan sa ganitong mga kaso na tunay na nagpabaya ang opisyal sa pagganap ng tungkulin, at dahil sa pagpapabayang yan, may mga tao na napinsala o dumanas ng danyos perhuwisiyos. Tawag po kayo sa amin, sa mga numerong nasa ibaba nito, pero may dagdag na paliwanag po ito dito bukas, God willing.
***
HINDI LAHAT NG TAO MABIBIYAYAAN NG KAMATAYAN NI JESUS SA KRUS: Sa kuwento sa Bibliya (Mateo 1:18-25) ukol sa pagsilang ni Jesus bilang anak ni Maria, dapat maging maliwanag sa ating mga mananampalatayang Kristiyano ang katotohanang ang pagsilang na ito ni Jesus bilang tao ay kaganapan ng mga naunang pagpapahayag sa Bibliya (Genesis 3:15, Isaias 7:14, at Isaias 9:2 at 6) na ang Makapangyarihang Diyos at Walang Hanggang Ama ay ipaglilihi at isisilang ng tulad sa tao, at Jesus ang ipapangalan sa Kaniya dahil ililigtas Niya ang Kaniyang bayan.
Ang Ama mismo ang ipinaglihi at isinilang ni Maria, at ito ay ginawa Niya upang iligtas ang mga makasalanan, di na lamang ang mga Judio kundi maging ang ibang mga tao sa ibang mga lahi. Ginawa ito ng Diyos batay sa Kaniyang angking kapangyarihan, na siya ding kapangyarihang Kaniyang ginamit noong unang panahon upang magpakita Siya sa mga tao bilang isang halamang naglalagablab, bilang anghel, o di kaya ay bilang apoy sa gabi at ulap sa tanghali.
Mahalaga ding maunawaan natin na ang Diyos Ama mismo ang nagpasyang akuin ang parusang nakalaan para sa mga makasalanan, dahil sa Kaniyang labis na pag-ibig sa Kaniyang mga hinirang at isinusugo. Ninais Niyang Siya na lamang ang makaranas ng parusa kaysa magdusa ang mga makasalanan sa walang hanggang uod at apoy ng impiyerno. Magkaganunman, hindi lahat ng tao ay maliligtas sa ginawang ito ng Diyos. Bakit? Abangan po ninyo bukas, God willing.
***
PANALANGIN NG PAGTANGGAP KAY JESUS BILANG DIYOS AT TAGAPAGLIGTAS, AMA, ANAK, AT ESPIRITU SANTO: “Panginoong Jesus, tinatanggap at pinananampalatyaan kita na ikaw ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo na bumaba mula sa langit at tumungo sa lupa sa anyo ng tao, upang tubusin ako sa parusa sa aking mga kasalanan. Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, at akayin mo ako sa lahat ng sandali. Isinusuko ko sa iyo ang aking buhay, ang aking isip, salita, gawa, at hitsura, sa lahat ng pagkakataon. Amen.”
***
TUMAWAG PO KAYO SA AMIN: Kung gusto ninyong magkaroon ng mas matinding kaalaman kung sino ang tunay na Diyos, tumawag po kayo sa amin sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 825 1308 o sa aking Messenger account sa Facebook, “Melanio Lazo Mauricio Jr.” Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong magbasa ng aming website sa AND KNK, ang andknk.ph o www.facebook.com/attybatas./WDJ