
INSPIRASYON SA BUHAY: “…Dahil dito si Yahweh mismo ang magbibigay sa inyo ng palatandaan: Maglilihi ang isang dalaga at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin sa pangalang Emmanuel…” (Isaias 7:14, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
MARAMING PILIPINO SA IRAQ ANG MASASAWI DAHIL SA PAGKA-PILOSOPO: Maraming Pilipino na talaga ang pilosopo, at wala na sa tamang pag-iisip. Tingnan na lamang natin yung isang nagpakilalang “Alyas Mark” sa isang panayam ng isang himpilan ng radyo sa Quezon City. Sabi ni “Alyas Mark,” overseas Filipino worker (OFW) siya na nagtatrabaho sa Erbil, Iraq, malapit sa lugar na binomba ng Iran ng mga ballistic nuclear missiles noong isang araw.
Tinanong ng mga broadcasters kung nakahanda na bang umuwi si “Alyas Mark” dahil nahaharap siya at ang iba pang mga OFWs sa Iraq sa isang mabalasik na digmaan matapos mapatay ng Estados Unidos ang isang mataas na heneral ng Iran. Sagot niya, bakit daw siya uuwi, gayong wala namang inihahandang mapagkikitaan niya ang gobyernong Pilipino.
Aba eh sandali lang. Ang usapan lamang dito ay yung mga pagkilos upang alisin sa panganib ng kamatayan ang mga OFWs sa gitna ng tensiyon sa pagitan ng Iran at US sa ngayon. Nais lamang ng gobyernong Pilipino na matiyak ang kaligtasan ng mga OFWs. Yung tungkol sa pagkakakitaan matpos silang bumalik sa Pilipinas ay ibang usapan yun. Ang mahalaga, maligtas muna sila kasi, pag namatay na sila, wala ng buting idudulot kahit may trabaho pa sila sa Iraq.
***
DEAR ATTY. BATAS: Ngayong araw na ito, tutugunan po natin ang inilathala natin ditong problema ng isang nagpakilalang “rheyzky nhardz”, ukol sa naging problema niya matapos siyang umawat sa away ng dalawang babae sa kanilang lugar. Ang unang payo po ng BATAS (Buklod ng mga Abogadong Tagapagtaguyod ng Adhikaing Sambayan) ay ito: huwag kayong aawat na kayo mismo ang haharap sa mga nag-aaway. Madadamay lang kayo.
Ang dapat gawin, tumawag na lamang ang mga gustong umawat sa mga nag-aaway ng mga autoridad—sa barangay, sa pulisya, o sa pamahalaang lokal na mas mataas sa barangay. Sila ang may karapatang pumagitna sa mga nag-aaway at patigilin ang mga nagbabangayan, gamit ang puwersang kinakailangan.
Walang karapatan ang mga pribadong mamamayan, gaya ni “rheyzky nhardz” na gumamit ng puwersa upang patigilin ang mga taong nag-aaway. Kapag nasaktan ng mga umaawat ang kanilang mga inaawat dahil sa kanilang pagtatangkang patigilin ang away, malamang sa hindi ay madedemanda pa ang umaawat, gaya ng nangyari kay “rheyzky nhardz” May dugtong pa po ito, God willing.
***
KAHIT NA NAGPAKASAMA NA ANG TAO, MINAHAL PA DIN SILA NG LABIS NG DIYOS: Ang Diyos Ama mismo ang “binhing” Kaniyang tinukoy sa Genesis 3:15 bilang “binhi ng babae” na tatalo sa binhi ng ahas, ang diyablo. Kung ating sasariwain, sinumpa ng Ama ang ahas matapos niyang ibuyo sa kasalanan si Eba at si Adan. Sa sumpa ng Ama laban sa ahas, sinabi Niya na paglalabanin Niya ang “binhi ng babae” at ang “binhi ng ahas.” Sinoang “binhi ng babae” na tatalo sa “binhi ng ahas?” Ang Ama mismo.
Ganito po yun, ayun sa pag-aaral ng Simbahang Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo (o AND KNK): Dahil sa pagkakabuyo ng ahas kina Eba at Adan sa kasalanan, naging sobrang naging masama ang tao. Sa halip na magpakabuti, natuto pa itong gumawa ng mga karumal-dumal na bagay na wala ng kapatawaran pa. Dahil sa mga kasalanang ito ng tao, tiyak na ang pagtungo niya sa uod at apoy sa impiyerno bilang parusa sa buhay na walang hanggan.
Kaya lang, labis na mahal ng Diyos ang tao. Sa kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos sa tao bagamat ang tao ay makasalanan, nagpasya Siya na Siya na mismo ang bababa mula sa langit, tutungo sa lupa sa anyo ng tao na may laman at dugo, upang tanggapin, at Kaniya na ngang tinanggap ang parusang nakalaan para sa tao. May kumpirmasyon ba ito sa Bibliya? Opo, mababasa po ang mga ito sa Isaias 7 at Isaias 9. Abangan po ang pagpapaliwanag natin dito!
***
PANALANGIN NG PAGTANGGAP KAY JESUS BILANG DIYOS AT TAGAPAGLIGTAS, AMA, ANAK, AT ESPIRITU SANTO: “Panginoong Jesus, tinatanggap at pinananampalatyaan kita na ikaw ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo na bumaba mula sa langit at tumungo sa lupa upang tubusin ako sa parusa sa aking mga kasalanan. Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, at akayin mo ako sa lahat ng sandali. Isinusuko ko sa iyo ang aking buhay, ang aking isip, salita, gawa, at hitsura, sa lahat ng pagkakataon. Amen.”
***
TUMAWAG PO KAYO SA AMIN: Kung gusto ninyong magkaroon ng mas matinding kaalaman kung papaanong sasainyo din ang Diyos, tumawag po kayo sa amin sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 8251308 o sa aking Messenger account sa Facebook, “Melanio Lazo Mauricio Jr.” Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong magbasa ng aming website sa AND KNK, ang andknk.ph o www.facebook.com/attybatas./WDJ