INSPIRASYON SA BUHAY: “… Ang mga taong malaon ng naglalakad sa dilim ay nakakita ng dakilang liwanag…sumikat na ang liwanag sa mga taong naninirahan sa bayang balot ng kadiliman…” (Isaias 9:2, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
SEDISYON AT PAGLABAG SA KONSTITUSYON NG MAMBABATAS? Pasensiya na po ang lahat sa kolum kong ito ngayon, lalo na yung ibang malalapit sa akin. Pero may tanong lang ako na medyo mabigat ukol sa pagsusumite ng isang nakakulong na mambabatas ng Pilipinas sa gobyernong Estados Unidos ng listahan ng mga sinasabi niyang nagpakulong sa kaniya upang pigilan ang mga ito sa pagtungo sa US.
Ang tanong: Kung ang mambabatas ay hihingi sa US na pigilan ng mga Amerikano ang ilang mga opisyales din ng gobyernong Pilipinas na tumungo sa US dahil sa akusasyong itong mga opisyales na ito ang nagpakulong sa nag-aakusang senadora, hindi ba pag-aanyaya yun ng pakikialam sa mga proseso ng ating mga hukuman, na ipinagbabawal ng Konstitusyon ng 1987 sa kaniyang Art. VIII?
Hindi ba ito ay sedition din sa ilalim ng Art. 139 ng ating Revised Penal Code ng Pilipinas? Sabi kasi ng Art. 139, guilty ng sedition ang sinuman na kikilos upang pigilan ang pagpasa o pagpapatupad ng mga batas sa bansa, kasama na ang Revised Penal Code. Di ba kung makikialam ang US sa kaso ng mambabatas, mapipigilan ang pagpaoatupad ng Code at maging ng Konstitusyon? Nagtatanong lang po!
***
DEAR ATTY. BATAS: “happy new-year po atty mauricio. my ittanong lang po sna ako napanood po kita sa ben tuflo…. mysna ako ittanong if ano dapat gawin sa warrant of arrest kc un tao tinatago ng family nea naisumite kna sa NBI CIDG Immigration un warrant—Marie Toscano.”
Marie Toscano, salamat sa tanong mong ito. Sa pag-aaral ng BATAS (o Buklod ng mga Abogadong Tagapagtaguyod ng Adhikaing Sambayanan) at LIGHT (o Lawyers Instructed on Godliness, Humility, and Truth), tama po yung mga naunang ginawa na ninyo na isinumite ninyo ang kopya ng warrant of arrest sa NBI, CIDG, at sa Bureau of Immigration. Hintayin na lamang po ninyo na maaresto ang yung akusado. Sasabihan naman po kayo ng mga autoridad kung nahuli na siya.
Sa totoo lang, hindi na po kailangan ng mga partido sa isang kasong kriminal na magsumite ng kopya ng warrant of arrest sa mga autoridad para mahuli ang akusado. Ang mga hukuman po mismo ang magpapadala na ng mga warrant of arrest sa PNP, NBI, at CIDG, kasama ng utos na hulihin nila ang akusado. Kaya lang, sa Immigration, kailangan pong hingin niyo sa hukuman na magpadala ng warrant doon. Sa dagdag na tanong, tumawag po kayo.
***
MGA PATOTOO NG BIBLIYA NA SI JESUS ANG DIYOS AT TAGAPAGLIGTAS, AMA, ANAK, AT ESPIRITU SANTO: May batayan ba sa Bibliya ang pagtanggap at pananampalataya kay Jesus bilang Diyos at Tagapagligtas, Ama, Anak, at Espiritu Santo? Sa pag-aaral po ng Simbahang Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo (o AND KNK), marami po ang mga bersikulo ng Bibliya na nagpapatotoo na si Jesus ang Diyos at Tagapagligtas at Siyang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo.
Sa mga bersikulong ito makikita ang mga patotoo na si Jesus ang Diyos at Tagapagligtas, na mula sa Ama, mula sa Anak, mula sa Espiritu Santo, mula sa mga alagad ni Jesus, at mula sa mga taong hindi tumanggap o hindi naniniwalang si Jesus nga ay Diyos at Tagapagligtas. Ang mga patotoong ito ang iisa ang sinasabi: si Jesus nga ang Diyos na bumaba mula sa langit at tumungo sa lupa sa anyo ng tao, may laman at dugo, at may Pangalang Jesus.
Uumpisahan po nating talakayan ang mga patotoong ito, sa pahintulot ng Diyos, sa mga susunod na araw. Kailangan lamang po nating aalalahanin na kailangang unawain natin ang mga patotoong ito tungkol kay Jesus, upang maging bahagi ito ng ating mga isip, puso, kaluluwa, at espiritu, dahil ang unawang ito ang magiging daan ng pagbaba sa atin ng kapangyarihan ng Diyos mula sa Banal na Espiritu. Abangan po ang mga pagtalakay na ito, God willing!
***
PANALANGIN NG PAGTANGGAP KAY JESUS BILANG DIYOS AT TAGAPAGLIGTAS, AMA, ANAK, AT ESPIRITU SANTO: “Panginoong Jesus, tinatanggap at pinananampalatyaan kita bilang aking Diyos at Tagapagligtas, at Siyang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo. Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, at akayin mo ako sa lahat ng sandali. Isinusuko ko sa iyo ang aking buhay, ang aking isip, salita, gawa, at hitsura, sa lahat ng pagkakataon. Amen.”
***
TUMAWAG PO KAYO SA AMIN: Kung gusto ninyong magkaroon ng mas matinding kaalaman kung papaanong sasainyo din ang Diyos, tumawag po kayo sa amin sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 8251308 o sa aking Messenger account sa Facebook, “Melanio Lazo Mauricio Jr.” Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong magbasa ng aming website sa AND KNK, ang andknk.ph o www.facebook.com/attybatas./WDJ