INSPIRASYON SA BUHAY: “… Ngunit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa kaniya ay binigyan niya ng karapatang maging anak ng Diyos Sila nga ay naging mga anak ng Diyos hindi dahil sa kanilang pasya o pasya ng tao, o sa pita ng laman, kundi sila ay isinilang mula sa Diyos…” (Juan 1:12-13, Bibliya).
***
WALANG ILEGAL SA GINAWA NI KOKO: Ilegal ba, o labag ba sa batas, ang sulat na ginawa ni Senador Aquilino Koko Pimentel sa Department of Transportation (DOTr) upang i-endorso ang aplikasyon ng We Move Things Philippines bilang motorcycle taxi gaya ng Angkas? Sa aming mga grupo ng abogado na nagbibigay ng libreng payong legal, hindi ilegal ang ginawa ni Pimentel.
Pinag-aralan ng BATAS (o Buklod ng mga Abogadong Tagapagtaguyod ng Adhikaing Sambayanan) at LIGHT (o Lawyers Instructed on Godliness, Humility, and Truth) ang sulat ni Pimentel kay DOTr Secretary Art Tugade at agad naming napansin ang sinabi ng senador doon na kailangang pairalin ang mga batas sa pag-aksiyon ng DOTr sa aplikasyon ng We Move Things Philippines.
Aba eh, ang hinihingi dito ni Pimentel ay pagkilos ayon sa batas. Tunay, walang masama doon. Masyado lamang malikot ang isip ng marami sa atin, na nag-aakalang pinapaboran na ng senador ang We Move Things Philippines. Of course, may isyung moral dito dahil bakit nga naman susulat ang isang mambabatas para sa isang pribadong kompanya, pero, hindi naman labag sa batas ang ginawa niya.
***
DEAR ATTY. BATAS: “Dear Atty. Batas, maganda gabi po sir….may tatanong lang po sana ako….tungkol sa pag pasa ng resignation letter…30days po ba kylangan…tposin….at kapag di mo napasukan ung mga araw na un…..mg mumulta ng 50pesos..kada absent…Migz RAztakizta.”
Migz RAztakizta, eto po ang sagot ng BATAS (o Buklod ng mga Abogadong Tagapagtaguyod ng Adhikaing Sambayanan) at LIGHT (o Lawyers Instructed on Godliness, Humility, and Truth), sa iyong unedited Facebook query. Una po, sinasabi ng Labor Code of the Philippines (o Presidential Decree 442, as amended) na karapatan ng manggagawa na magbitiw (o mag-resign) sa kaniyang trabaho pag ayaw na niya sa kompanya.
Kaya lang, kailangang magbigay siya ng pormal na pasabi na magbibitiw na siya, at kailangang sa pormal na pasabi (sulat), kailangang magbigay din siya ng 30 araw bago siya tuluyang huminto sa trabaho. Ang dahilan dito ay upang makahanap ang kompanya ng kapalit. Pag umalis agad ang manggagawa ng hindi pa natatapos ang 30 araw, maaari siyang kasuhan ng kompanya upang pagbayarin siya ng danyos perhuwisiyos.
***
KAHIT MAGKAWANGGAWA TAYO, HINDI SAPAT YUN PARA SA KALIGTASAN: Sapat na ba para sa isang tao ang magkawanggawa o tumulong sa kaniyang kapwa upang makatiyak siya ng pagpapala, paggabay, at proteksiyon ng Diyos, kasama na ang buhay sa Paraiso sa buhay na walang hanggan? Sa pananaw po ng Simbahang Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo (o AND KNK), hindi po sapat ang magkawanggawa o tumulong lamang.
Malinaw po ito sa pagpapahayag ng Bibliya (halimbawa, sa Mateo 6:33, Efeso 2:8 at Roma 4:5-6). Sabi sa mga bersikulong ito, hindi maliligtas ang tao dahil sa kaniyang mga gawa. Ang kailangan, dapat siyang pagharian muna ng Diyos. Papaano paghaharian ng tao ang Diyos? Kailangan niyang isilang mula sa Diyos, upang siya ay maging Anak ng Diyos (Juan 1:12-13). Papaano naman isisilang mula sa Diyos ang isang tao ng sa ganon ay magiging Anak ng Diyos siya?
Kailangang tanggapin at manampalataya ang tao na ang Diyos mismo ang bumaba mula sa langit, tumungo sa lupa sa anyo ng tao na may laman at dugo at may Pangalang Jesus, at Siyang tumanggap sa mga parusang dapat nakalaan sa tao dahil sa kanilang mga kasalanan. Iyon ang pangunahing dapat gawin ninuman upang makatiyak sila ng kaligtasan sa daigdig na ito at sa buhay na walang hanggan. Kayo pong mga mambabasa dito, tinatanggap na ba ninyo at pinanampalatayaan si Jesus?
***
PANALANGIN UPANG TANGGAPIN AT PANAMPALATAYAAN SI JESUS BILANG DIYOS AT TAGAPAGLIGTAS, AMA, ANAK, AT ESPIRITU SANTO: Ang panalanging ito ang paraan upang tanggapin at panampalatayaan si Jesus bilang Diyos at Tagapagligtas, Ama, Anak at Espiritu Santo: “Panginoong Jesus, tinatanggap at pinananampalatyaan kita bilang aking Diyos at Tagapagligtas, at Siyang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo. Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, at akayin mo ako sa lahat ng sandali, Amen.”/WDJ