
INSPIRASYON SA BUHAY: “… Walang ibang Diyos maliban sa akin, walang nauna at wala ring papalit. Ako ay si Yahweh, wala nang iba pa; walang ibang Tagapagligtas, maliban sa akin…” (Isaias 43:10-11, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
LABANANG SARAH-ISKO SA 2022, UMAARANGKADA NA: Ang magiging pinaka-mainit na balita sa mga susunod na araw ay ang pag-arangkada ng labanan ng mga nagnanais maging pangulo ng bansa sa 2022. Sa ngayon, may dalawang tila ba nangunguna na sa laban. Parehong alkalde ng mga lungsod. Si Davao City Mayor Sarah Duterte Carpio, at si Manila Mayor Isko Moreno.
‘Yung mga dating nagpapalipad-hangin, gaya nina Sen. Manny Pacquiao at Sen. Cynthia Villar, alam na nilang di nila kayang labanan si Sarah at si Isko. Sa aking tingin, makukuntento si Pacquiao at si Villar na maging kandidatong bise presidente na lamang. Si Pacquiao kasi, bagamat nananatiling popular dahil sa boksing, alam niyang ‘di siya iboboto ng mga batang botante sa ngayon.
Si Villar naman, alam niyang masyadong kontrobersiyal ang kaniyang mga pagkilos at pagpapahayag nitong mga nakaraang buwan, na nagdulot ng matinding galit ng marami di na lamang sa kaniya, kundi sa pamilya niya. Lutang na lutang sa ngayon ang mga mabibigat na isyu laban sa Villar family, partikular yung landgrabbing, o pang-agaw ng mga lupa para sa kanilang sariling pagyaman. Sabi nga, abangan ang susunod na kabanata!
***
DEAR ATTY. BATAS: “Dear Atty. Batas Mauricio. May tanong din po ako. May kaibigan po ako. Kasal sila ng asawa niya at may tatlo silang anak—9 years old, 7 years old, at 4 years old. Nakipaghiwalay po yung girl na kaibigan ko dahil lasinggero ang asawa niya, hanggang sa hinahagisan pa siya ng bareta buti nakak-ilag yung kaibigan ko. Minsan pag lasing hinahasa niya ung gulok niya at sinasabi na papatayin siya kahit naririnig ng mga anak nila.
“Kaya umalis yung kaibigan ko bago pa may mangyari sa kanya o sa kanila ng mga anak niya at kasama niya mga anak nyang umalis. Pero pumunta yung lalaki doon sa bahay ng magulang ng babae, at sapilitang kinuha ang mga bata at nagbanta pa na papatayin yung kaibigan ko pag kukunin niya ang mga anak nila.
“After 7 months na hiwalay sila ng asawa nya eh may nakilala siyang isang lalaki na sobrang bait, responsable, at tanggap ang nakaraan at mga anak niya. Ngayon po buntis po siya sa kinakasama niya ngayon, Wala na po ba siyang karapatan sa mga bata na makita o mahiram lang sana, dahil sa may kinakasama na siyang iba na alam niyang pwede rin siyang idemanda ng dati nyang asawa? Sofhia Heart.”
Sofhia Heart, ito po ang sagot: Una, bilang ina ng mga bata, nananatiling may karapatan ang babae na makita o mahiram man lamang ang kanilang mga anak, bagamat siya ay may kinakasama ng ibang lalaki. Ang karapatan ng babae bilang ina ay ‘di nawawala, kahit pa sumama na siya sa ibang asawa. Kung ipagkakait ng ama ‘yung karapatan ng ina, maaaring magsampa ng kaso ‘yung ina upang pilitin ang ama na ipabisita man lamang ‘yung mga bata.
***
BAKIT KAILANGANG MAGBASA MUNA NG BIBLIYA BAGO HUMINGI SA DIYOS? May nagtanong po sa akin: bakit natin kailangang magbasa muna ng Bibliya kung gusto nating humingi sa Diyos ng mga kailangan natin, gaya ng isinulat natin dito noong isang araw? Kailangan po kasi ang Bibliya, o ang Mabuting Balita, ang siyang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng mga sumasampalataya sa Kaniya.
Ang Bibliya ang siyang Salita ng Diyos. At, ayon na din sa Bibliya mismo, ang Salita ay ang Diyos mismo. Kaya naman kung babasahin muna natin ang Bibliya bago tayo humingi ng kahit na ano, sumasa-atin ang Diyos, at lumulukob sa atin ang Kaniyang Banal na Espiritu. Kung sumasa-atin ang Diyos at lumulukob sa atin ang Kaniyang Banal na Espiritu, tiyak ang paborableng pagtugon sa ating mga hinihiling sa panalangin.
Subukan po natin ang estilong ito ng paghingi ngayong 2020. Maaaring sa una ay ‘di niyo agad mararamdaman ang pagtugon ng Diyos, pero hindi pupuwedeng hindi tumugon ang Diyos, dahil anuman ang Kaniyang sinabi, ito ay Kaniyang gagawin, at anuman ang Kaniyang ipinangako, ito ay Kaniyang tutuparin. Sige po, magbasa na tayo ng Bibliya, at pagkatapos, doon tayo humingi. Salamat sa Diyos sa Ngalan Niyang Jesus, Amen.
***
TUMAWAG PO KAYO SA AMIN: Kung gusto ninyong magkaroon ng mas matinding kaalaman kung papaano lalong patatagin ang paghingi niyo kay Jesus, tumawag po kayo sa amin sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 8251308 o sa aking Messenger account sa Facebook, “Melanio Lazo Mauricio Jr.” Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong magbasa ng aming website sa AND KNK, ang andknk.ph o www.facebook.com/attybatas./WDJ