Ang karaniwang trahedya ay ang trahedya ng karaniwan

Posted by watchmen
August 18, 2018
Posted in OPINION

(Sapagkat buwan ng wika ngayon. Bilang paggunita ang aking kolumna ay nasa wikang Filipino)

 

Sa artikulo ni Victor Ponce kung saan tinalakay niya ang klasikong pyesa ni Hardin ukol sa “The Tragedy of the Commons”, o ang  “Trahedya ng Karaniwan”, ang “karaniwan” ay tumutukoy sa kapirasong likas na yaman  ng bawat indibidwal katulad ng tubig, hangin, lupa, atbp para siya ay mabuhay ng payapa sa mundong ito. Sa konteksto na ito, ang ibig sabihin ng “kapiraso” ay walang iiisang taong nagmamay-ari sa nasabing likas na yaman, kundi kailangan na  ang bawat isa ay kumuha alinsunod lamang sa kanyang pangangailangan at hindi na dapat lumabis doon at ang kalabisan ay isang indikasyon ng isang trahedya. Ang trahedya ay nararanasan kapag ang kasakiman ang umiiiral na mekanismo sa bawat tao, sa kaparaanang ang isang tao ay naglalayong manlamang ng kapwa para sa sariling kapakanan. Ang sitwasyon na ito ay umuudyok sa pagkasira ng likas na yaman o ng karaniwan.

Sa kolumn kong ito, hayaan ninyo  hiramin ko ang ideya ni Hardin na “The Tragedy of the Commons” at salaminin ang isang realidad na nararanasan natin bilang isang bayan, isang bansang punong puno ng karahasan. Bigyan natin ng bagong kahulugan  ang konsepto ng commons  mula sa kosmolohikal patungo sa antropolohikal na basa. Sa madaling salita ito ay  tungkol sa ugnayan ng tao sa kanyang kapwa tao. Ang “karaniwan” dito ay hindi ang mga likas na yaman kundi ito ay ang mga tao na walang boses sa lipunan, sila ang mga inaapi, ang pinaghihinalaang salot sa lipunan—ang mga mahihirap.

Sa pelikulang “Buy-bust” ni Erik Matti, sinasalamin ang ating lipunang ginagalawan ngayon. Ito mismo ang sumasagot sa tanong na “Bakit hindi pa natutuldukan ang isyu ng droga sa Pilipinas?”. Ito ay sapagkat sila-sila mismo ang sangkot sa naturang kalakaran. Ang isyu ng droga ay hindi nabago sa Pilipinas; mula sa panahon ni Marcos mayroon nang kampanya laban sa illegal na droga kung saan hinatulan ng kamatayan ang Tsino na si Lim Seng noong 1973. Nagpatuloy ang kampanya kontra droga sa panahon ni Duterte. Ngunit ang mali sa naturang kampanya ay ang di-tahasang pagbibigay ng kapangyarihan sa pulisya upang legal na pumaslang. Ito ay kanilang pinagtatakpan sa katagang “nanlaban” umano ang mga pinaghihinalaan.

Ang pelikulang ito ay sumasalamin sa totoong nangyayari sa ating bansa. Sapagkat mismo ang mga alagad ng batas at pulitiko ang sangkot sa kalakaran. Malalaking tao ang sangkot sa sistemang ito ngunit ang mga maliliit na tao lamang ang tinutumba para ipakita na tama ang aksyon ng gobyerno na linisin ang bansa mula sa droga. Sila-sila lang mismo ang pumapatay sa kapwa nila tao. Sa ngalan ng pera kayang isakripisyo ng mapagsamantalang indibidwal ang buhay ng kapwa. Minsan, napapaisip ako, kung ang pagtingin ba ng isang tao sa kanyang kapwa ay isa lamang insekto sapagkat napakadali lamang sa  kanila ang ipahamak ang kapwa lalong lalo na ang mga taong walang kalaban-laban sa kanila.

Mag-iisang taon na ang pagkamatay ni Kian de los Santos, ang binatilyong pinatay ng pasistang rehimen. Si Kian ang mukha ng karaniwan na naipit sa away ng gobyerno at malalaking isda na tinatawag na mga “drug lords”. Batay sa pagsisiyasat, ang mga mahihirap ang malimit maging biktima sa trahedya sapagkat sila mismo ang mukha ng lipunang salat sa kasaganahan. Ang mapagsamantalang mga korporasyon na nang-iipit ng mga taong mahihirap, at nagpapasasahod ng below minimum wage ay siyang nagtutulak sa mga tao upang pasukin ang ganitong kalakaran.

Ang pananamantala at ang kawalan ng “due process”  sa mga pinaghihinalang durogista ang siyang dahilan kung bakit patuloy ang sigaw ng mga tao laban sa gobyerno. Dagdag pa dito ang pahirap ng naturang TRAIN Law na pasanin ng bawat mahirap na Pilipino. Ang pagmamalabis sa ating mga kababayan ay nagiging normal na lang sa ating lipunan. Ang pagpikit ng mata ng hustisya sa karamihan ay siyang tanda na ang hustisya sa mahihirap ay sadyang mailap dahil ang hustisya ay may mata lamang para sa iilan.

Ang kaisipang marahas  ang umiiral sa sitwasyong ngayon; pilit na nililimot ng iilan ang relasyon sa kapwa tao. Para sa kanila, ang pakikipagtulungan ay nakabatay lamang sa benepisyo na makukuha mula sa isang tao. Halimbawa, bakit tikom ang bibig ng mga tao kapag merong droga sa kanilang komunidad? Ito ay sa kadahilanang sila ay takot na baka sila’y balikan, at ang iba naman mayroon silang benepisyong makukuha. Ang sistema na ito ay nakaukit na sa kamalayan ng bawat Pilipino, nasa kultura na ang aspetong tinatawag na bayanihan, yun nga lang ang bayanihan na kanilang kinikilala ay iba sa totoong depinisyon nito. Kung sino ang naglalayong maganda ay siyang pinapapatay, kung sino ang dala-dala ang mabuting balita siya rin ng inuuna ipatumba. Bayanihan sa ngalan ng kapital, iyan ang nakakalungkot ngayon at ang mas nakakalungkot, mismo ang mga mahihirap ang biktima sa kalagayang ito.

Ang sinasabing trahedya ay maririnig ba ng langit kasabay ng kalembang o dasal? O ang panahong ito ba ay magiging hudyat para sabihing sibilisadong kanibal ang gobyerno at mga alagad ng batas? Ang karaniwang trahedya(common tragedy) sa ating bayan na pinapaslang ang mga mahihrap at inaapi (commons) ay hindi dapat karaniwan sapagkat maging mayaman ka man o mahirap lahat tayo ay tao na dapt ginagalang at nirerespeto.

Kung nakita ni Hardin na may “tragedy of the commons- tao-likas yaman” at nakakasira ito sa maayos nating buhay mas higit nating paigtingin ang ating kamalayan na hindi hiwalay sa maunlad at payapang buhay ang pagbibigay halaga sa buhay ng iba dahil kung hindi… patuloy lang  ang “tragedy of the commons-tao sa tao”

Sa ganitong kalagayan, ano ba ang ating katuwiran? Ano ba ang dapat nating gawin? Tayo ba ay magiging bulag sa karaniwang trahedya o kikilos para labanan ang trahedya ng karaniwan?/WDJ

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *